AMINADO si Pangulong Benigno Aquino III na siya mismo’y nagtataka sa tunay na dahilan nang paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin kaya paiimbestigahan niya ito.
“Ang daming debate… ‘Yung output dahil sa ‘Yolanda’, ‘Santi,’ and others, ano ba ang epekto talaga no’n? ‘Yung laban natin, laban sa Spratlys, ay nagpapataas ng presyo? We need definitive answers,” ayon sa Pangulo sa media interview sa Japan kamakalawa.
Ipatatawag ng Pangulo sina food security czar Sec. Kiko Pangilinan, Agriculture Sec. Proceso Alcala, Trade Sec. Gregory Domingo, NFA administrator Arthur Juan at Sugar Regulatory Administration upang matukoy ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin.
Sa kasalukuyan, aniya, umangkat na ang gobyerno ng 800,00 metric tons ng bigas upang mapunuan ang kakulangan sa supply sa pamilihan.
Magugunitang biglaang tumaas ang presyo ng bawang sa pamilihan na umabot sa P300-P400 kada kilo habang ang presyo ng bigas ay tumaas ng P2 kada kilo.
Inatasan din ng Punong Ehekutibo ang Department of Science and Technology (DoST) na tumulong sa “real and accurate picture” tungkol sa rice supply ng bansa.
(ROSE NOVENARIO)