MASYADONG mababaw ang katwiran ng Philippine National Police (PNP) sa kontrobersiya kaugnay sa “White House” na tirahan ni Director General Alan Purisima sa loob ng Camp Crame. Parang pinalalabas ni PNP spokesman Chief Supt. Theodore Sindac na donasyon ang P25 milyon na ginastos para ipa-ayos ang White House. At sa dami ba naman ng ituturong nagdonasyon kuno para sa renobas-yon, ang Free and Accepted Masons of the Philippines pa ang tinukoy ni Sindac na masyado talagang kasindak-sindak dahil pinabulaanan ng mga kaibigan kong miyembro ng sikretong samahan.
Minamalas si Purisima dahil may ilang opis-yal sa pulisya na nagmamadaling palitan siya sa puwesto. Kaya hindi kataka-taka kung marami pang sisingaw na kontrobersiya sa hanay ng PNP. Ang pagiging “inutil” lang ng mga pulis laban sa riding-in-tandems ay masyadong kahiya-hiya kundi man, garapalan. Sa sunod-sunod lang na pagpatay sa mediamen, kung aanalisahing mabuti ay maraming sangkot na pulis. Sa pagpaslang nga sa negosyanteng si Richard King sa Davao City kamakailan, ang opisyal na si Supt. Leonardo Felonia ang inginusong utak ng krimen.
Sabi nga ni Volunteers Against Crime and Corruption spokesman Dante Jimenez chair Dante Jimenez, imoral ang renobasyon ng maluhong White House. Ngunit kung may itinuturong dapat sisihin ang Lakap Bayan sa mga kabulastugan sa PNP ay hindi si Purisima kundi ang hepe ng Comptrollership ng PNP na si Chief Supt. Rolando Purugganan.
Isang pangkat ng mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP ang Lakap Bayan na matagal nang nagbabantay sa katiwalian at kabulukan sa gobyernong Aquino.Sabi nga ni ex-Col. Allan Jay Marcelino, bukod sa maanomalyang pagkabenta ng 900 AK-47 assault rifles sa kaaway ng estado na New People’s Army (NPA) at P25 milyong ginastos sa White House, dapat silipin ang pagkakasangkot ni Purugganan sa land grabbing syndicate sa Antipolo City.
Masyado na kasing nakaaalarma ang su-nod-sunod na pagpatay ng riding-in-tandems sa urban poor leaders sa Antipolo lalo sa Pagrai Hills na walang nadadakip kahit isa ang mga pulis at tsismis sa komunidad sa Pagrai na ang mga pulis mismo ang nagbibigay ng proteksiyon sa hired killers. Kuwestiyonable ang malaking lupa roon ni Purugganan at inihabla niya ang Cuencoville Homeowners Association, Inc. (HOAI), National Housing Authority at Register of Deeds upang ipagpilitan na siya ang may-ari ng lupang pinabakuran niya ng sobrang taas na pader.
Natalo si Purugganan sa case number 9750 kay Judge Josephine Lazaro ng Antipolo RTC Branch 74 na ipinawalang-saysay ng korte ang pekeng titulo ng PNP official. Naghabol si Purugganan pero maging sa apela niya sa Supreme Court ay pinal na idineklarang pag-aari ng NHA ang lupang tinirikan niya ng magarang mansi-yon.
Alamat sa Pagrai si Purugganan dahil sa kanyang mansiyon pa lamang ay magtataka si Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares dahil mas matibay ito kaysa mansiyon ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao. Balita rin roon na pabalik-balik siya sa Mindanao dahil sa kanyang “mining businesses” na tiyak na hindi nakadeklara sa BIR. Marahil, lilinaw itong lahat kung ipatatawag ng Kongreso sina Purisima at Purugganan para pagpaliwanagin sa mga ano-malya sa PNP. Dapat nang tutukan ni Henares at maging ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung bakit sobra-sobra sa kanyang suweldo sa PNP ang “hidden wealth” ni Purugganan.
Ariel Dim Borlongan