IBINASURA ng Sandiganbayan ang mga kahilingan para sa live media coverage ng court proceedings sa pork barrel cases.
Ang abiso ay inilabas, isang araw bago ang nakatakdang arraignment ng Sandiganbayan 1st division ngayong araw sa plunder case ni Sen. Bong Revilla at iba pang akusado.
Ayon kay Atty. Renato Bocar, 20 mahigit na tao lamang ang maaaring ma-accomodate sa loob ng courtroom ngunit hindi rin sila papayagan na gumamit ng mga electronic gadget, tulad ng cellphones.
Nilinaw ng anti-graft court na hindi nila itinatago ang court proceedings kundi nais lang nilang sundin ang mga patakaran ng Sandiganbayan.
Ang mga ibig aniyang humiling nang live broadcast ay maaaring mag-apply sa Korte Suprema.
Sa P10-B pork barrel scam
16 CO-ACCUSED NINA POGI, SEXY TINUTUGIS NA
PUSPUSAN ang manhunt operations ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga co-accused nina Senador Bong Revilla, Jr., at Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder at graft kaugnay ng P10-billion pork barrel scam.
Sa memorandum ni Sr. Supt. Eliseo Tam Rasco ng Criminal Investigation and Detection Group, kinilala ang iba pang tinutugis na sina Pauline Therese Mary Labayen at Romulo Revelo, kapwa co-accused ni Estrada; Ronald John Lim, Myla Ogerio, Laarni Uy, Allan Javellana, Maria Julie Villaralvo-Johnson, at Ofelia Ordonez, pawang co-accused ni Revilla.
Kasama rin ang iba pang co-accused ng dalawang senador na sina John Raymund De Asis, Antonio Ortiz, Emmanuel Alexis Sevidal, Sofia Cruz at Evelyn Sucgang.
“Manhunt ICARUS of the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) is continuously monitoring the other co-accused of Senators Revilla, Jr., and Estrada for their possible arrest and subsequent return of warrant to the Sandiganbayan,” saad sa memorandum.
Sa tala, 16 pang ibang co-accused ni Estrada at 13 kay Revilla ang naglagak ng pyansa sa Sandiganbayan.
(DANG GARCIA)
SPEEDY TRIAL SA PORK CASES — DRILON
HINDI mahalaga para kay Senate President Franklin Drilon ang isyu kaugnay ng VIP treatment kina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., sa kanilang kulungan sa PNP Custodial Center sa Kampo Crame, kundi ang pag-usad ng kanilang kaso na may kinalaman sa kontrobersiyal na multi-billion peso pork barrel scam.
Ayon kay Drilon, mahalaga ngayon ay dapat maging vigilante ang taong bayan sa pag-usad ng kaso ng mga sangkot sa maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) at hindi kung paano sila tinatrato sa kulungan.
Iginiit ni Drilon, dapat matutukan ang kaso at maayos na sinusunod ang proseso para sa mabilis na paglilitis nang sa ganon ay maagang lalabas ang katotohanan para maparusahan ang mga nagkasala at maabswelto ang mga inosente.
“Ang importante ay bantayan ang kaso at matiyak na ang hustisya ay umiiral sa ating bansa,” ani Drilon.
(CYNTHIA MARTIN/
NIÑO ACLAN)