MASAMANG balita para sa mga seal at walrus—batay sa isang report, lumolobo ang bilang ng mga dambuhalang great white shark sa mga karagatan malapit sa eastern United States at Canada matapos ang ilang dekadang pagkaubos nito sanhi ng walang habas na pangingisda. Iniha-yag sa pag-aaral ng siyentista ng National Oceanic and Atmospheric Administration, na nilimbag kailan lang sa journal na PLOS ONE, na umakyat sa mahigit 2000 ang populasyon ng notoryus na top predator ng karagatan sa western North Atlantic.
Tinukoy ng mga siyentistang nasa likuran ng pag-aaral ang masasabing pagtaas ng bilang ng mga higanteng pating sa conservation efforts, tulad ng Federal 1997 Act na naglagay ng regulas-yon sa pangingisda ng mga great white. Nakalista ang species bilang ‘vulnerable’ sa talaan ng International Union for Conservation of Nature.
“Mukhang nagre-recover ang species,” ani Cami McCandless, isa sa mga may akda ng study. “Indikasyon ito na ang mga management tool ay gumagana.”
Sumikat ang kilabot na reputasyon ng mga great white sanhi ng pelikulang Jaws, na ipinalabas may 39 taon na ang nakalipas. Pero pambihira rin naman ang enkwentro sa pagitan nito at ng tao, 106 unprovoked white shark attack—13 fatal—sa karagatan ng U.S. simula noong 1916, batay sa datos ng University of Florida.
Bumaba ang bilang ng mga pating sa western North Atlantic ng 73 porsyento mula noong 1960s hanggang 1980s.
Ang dami ng mga pating ay nasa 31 porsyento pa lang mula sa historical high nito noong 1961.
Kinalap ni Tracy Cabrera