AGREE tayo sa payo ni Senate majority leader, Senator Alan Peter Cayetano sa mga taga-media at ni Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV sa kanilang kapwa senators na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada na akusado ng kasong pandarambong (plunder) at ngayon ay kapwa nakapiit na sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Bakit nga naman hindi ‘yung akusasyon laban sa kanila ang talakayin ng mga taga-media hindi ‘yung mga reklamo nila na parang kinakawawa sila ng estado?
Para nga naman humihikayat pa ng simpatiya at awa ang mga taga-media para kina Bong at Jinggoy gayong sila naman ang may kagagawan kung bakit nahaharap sila sa kasong Plunder ngayon ‘di ba?
Ayon nga kay Senator Alan, “We should remember that the poor and hungry farmers are the real victims here. Almost all the major corruption issues in the government involved agriculture funds like the fertilizer fund scam, swine scam and this issue of pork barrel funds.”
Mas dapat nga namang isulat kung ano ang kinahinatnan ng mga magsasaka natin at pamilya nila na inagrabyado at binalasubas ng mga mandarambong na mambabatas sa pamamagitan ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel funds.
‘E sabi nga ni Senator Sonny Trillanes, may kasabihan, “If you do the crime, you do the time.”
Magtiis kayo at harapin ang sirkumstansiya ng mga pinaggagagawa ninyo.
Aniya, ‘yang mga daga at ipis, naranasan rin niya pero hindi siya nagreklamo. Sobrang init na nakasasakit ng ulo, walang telepono at walang telebisyon, normal lahat ‘yan para sa isang bilanggo.
Ang comfort room ay hindi comfort talaga dahil walang shower at walang bidet — tabo at timba lang.
Hindi katulad nila ngayon na kutson pa ang hihigaan at walang kasamang ibang preso, kundi silang dalawa lang.
Hindi katulad ni Senator Trillanes na talagang inihalubilo sila sa iba pang bilanggo.
Mas mabuti pa nga raw noong nasa Camp Aguinaldo sila, nakasasagap pa sila ng sariwang hangin pero nang ilipat sila Camp Crame, grabe ang init na naranasan niya.
Pero dahil likas na displinado at hindi ‘SPOILED BRAT’ sinikap ni Senator Trillanes na maging produktibo habang siya ay nakakulong.
Ginampanan pa rin niya ang kanyang trabaho bilang isang Senador.
At siya ay nagtagumpay.
O ngayon, naiintindihan na ninyo, Mr. Bong Revilla and Jinggoy Estrada?!
Wala kayong karapatang humingi pa ng pabor dahil akusado kayo na inagrabyado ninyo ang mga magsasaka natin.
MAGTIIS at MAGDUSA muna kayo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com