KINOMPIRMA ng superstar ng San Antonio Spurs na si Manu Ginobili na lalaro siya sa kanyang bansang Argentina sa FIBA World Cup sa Espanya mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14.
Ito ang sinabi niya sa kanyang kolum na isinulat niya para sa diyaryong La Nacion na inilabas sa website ng FIBA.
Magkasama ang Argentina at Gilas Pilipinas sa Group B ng FIBA World Cup bukod sa Senegal, Puerto Rico, Greece at Croatia.
Ginabayan ni Ginobili ang Spurs sa korona ng NBA kontra Miami Heat kamakailan.
“The main reason why I am playing is because of my wife. She supported me to do it. I know she makes an effort similar or more than mine and I value it a lot,” pahayag ni Ginobili.
Nanalo si Ginobili ng gintong medalya para sa Argentina sa men’s basketball ng 2004 Athens Olympics.
Bukod kay Ginobili, ilan pa sa mga manlalaro ng NBA na sasabak sa FIBA World Cup ay sina Tony Parker ng France, ang magkapatid na Pau at Marc Gasol ng Espanya, Andray Blatche ng Gilas at LeBron James, Dwyane Wade, Kevin Durant at Kevin Love ng Estados Unidos. (James Ty III)