INALMAHAN ng national artists ang hindi pagkakabilang ng beteranang aktres na si Nora Aunor sa idineklarang national artists ng Malacañang kamakailan.
Ayon kay National Commission for Culture and the Arts Chairman Felipe de Leon, Jr., kailangan magpaliwanag dito ang Palasyo.
Sa deliberasyon pa lang aniya ng pagpili sa hihiranging national artists ay isa si Aunor sa mga nakakuha nang mataas na ratings at malaking kawalan sa industriya ng pelikula.
Sinabi ni De Leon, gusto nilang malaman kung may malaking dahilan nang tanggihan ng Malacañang ang nominasyon ng aktres.
Kung ang drug addiction noon ni Aunor sa Amerika ang dahilan aniya ng Malacañang kaya hindi idineklarang national artist si Aunor, hindi na mahalaga ang nasabing isyu.
Habang nanawagan si National Artist Bienvenido Lumbera sa kapwa national artists na magprotesta sa Palasyo.
Isa aniyang insulto sa mahigpit na proseso ng pagpili sa national artists, ang ginawa ng Palasyo na pagbalewala sa nominasyon ni Aunor.
(ROSE NOVENARIO)