Hindi binigo ng kabayong si King Bull at hinete niyang si Unoh Basco Hernandez ang Bayang Karerista (BK’s) na nag-abang at sumuporta sa kanila sa naganap na 2nd leg ng “Hopeful Stakes Race” nitong nagdaang Sabado sa pista ng Sta. Ana Park sa Naic, Cavite. Sa largahan ay isa sa mga nauna sa lundagan si King Bull, subalit bago pa man lumiko sa unang kurbada ay pinaubaya muna ni Unoh sa mga kalaban na magdikta ng harapan. Pagtapat sa medya milya ay sinimulan ng galawan ni Unoh ang kanyang dala at nagresponde naman, kaya pagliko sa huling kurbadahan ay nakuha na nila ang bandera. Pagkasungaw sa rektahan ay nakita na ang pagbuka ng pakpak (dalawang siko) ni Unoh, kung kaya’t lalo pang gumana sa pagtakbo si King Bull at walang anuman na iniwan na ang kanyang mga kalaban hanggang sa makarating sa meta. Naorasan ang tampok na pakarerang iyan ng 1:56.4 (14-24-25-25-28’) para sa distansiyang 1,800 meters. Congrats muli kay butihing Mandaluyong City Mayor Benhur C. Abalos Jr. na siyang may-ari kay King Bull.
Fred L. Magno