TULOY-TULOY ang pananalasa ni Pinoy super GM Wesley So matapos ilista ang malinis na dalawang puntos sa 9th edition ng Edmonton International Chess Festival sa Alberta kahapon.
Pinayuko ni top seed So (elo 2744) si GM Samuel Shankland (elo 2632) ng USA matapos ang 36 moves ng English opening sa round 2.
Kabakas ni So sa top spot ang mahigpit na karibal na si GM Vassily Ivanchuk (elo 2738) ng Ukraine na tinalo si GM Anton Kovalyov (elo 2636) ng Canada.
Pinisak ni Ivanchuk si Kovalyov sa 36 sulungan ng Queen’s Gambit accepted.
Halos kontrolado ni So ang laban at nang magkamali si Shankland sa pang 34 na tira na Qc6 ay hindi sinayang ng Pinoy ang pagkakataon.
Magkasama naman sa third to fourth place sina FM Vladimir Pechenkin (elo 2311) host country at ang nag-iisang babae na si GM Irina Krush (elo 2484) ng USA.
Tabla ang laban ni Pechenkin kay IM Richard Wang (elo 23265) ng Edmonton, Canada habang kinaldag ni Krush si FM Dale Haessel (elo 2168) ng Calgary Canada.
Sa loob lang ng 31 moves ng English tinapos ni Krush si Haessel sa event na may 10-player single round robin format.
Samantala, susunod na makakalaban ni So ay si IM Raja Panjwani (elo 2440) ng Canada habang katapat ni Ivanchuk sa round 3 si Alex Yam (elo 2299) na taga Calgary din.
Ka date naman ni Krush ang 15-year old na si Wang habang kikilatisin ni Pechenkin si Shankland.
Ang ibang match, kalaban ni Kovalyov si Haessel. (ARABELA PRINCESS DAWA)