NAKATULOG nang maayos si Senador Bong Revilla Jr. sa kanyang unang gabi sa Custodial Center sa Camp Crame at bantay sarado ang kanyang selda.
Kamakalawa ng gabi, paglabas ng pamilya ni Senador Revilla sa kanyang kulungan ay hindi na pinalapit ang media sa kanyang selda.
Una rito, humingi ng pagkain si Revilla Jr. bukod sa pagkain niya sa loob ng piitan.
Ayon sa kanyang maybahay na si Congressman Lani Mercado, pinakain ang senador sa loob ng piitan ngunit gusto niya ng ibang pagkain kaya bumili pa sila ng pagkain na iniwan sa kanya bago sila umalis.
Sinabi ng kongresista, hiniling pa ng kanyang asawa na kung bibisita sa kulungan ay ipagluto ng kanyang paboritong ulam.
Humirit din si Mercado ng dagdag na electric fan para lumamig ang kulungan dahil sa sobrang init.
Sinumpong aniya migraine ang senador dahil sa kanyang mainit na kwarto.
Posible aniyang lumala ang kalagayan ng senador pag mainit pa rin ang kulungan.
WHISTLEBLOWERS UMANGAL SA DORMITORY STYLE NA KULUNGAN
IKINADESMAYA ng kampo ng ilang whistleblowers ang anila’y special treatment na ibinibigay ng gobyerno lalo na ng PNP, sa mga kilalang-tao na nagkasala sa batas.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, isa sa private complainant sa pork barrel scam at abogado ng ilan sa whistleblowers, kanyang pinuna ang special treatment na ibinigay ng gobyerno kay Sen. Bong Revilla, isa sa mga akusado sa kontrobersyal na kaso.
Ayon kay Baligod, dapat magtakda ang Korte Suprema ng mga alituntunin sa mga nagkasala upang hindi isipin ng taongbayan na may 1st class at 2nd class citizen.
Tinukoy pa ng abogado na sa average detention cell, may 30 katao ang nakakulong at pahirapan pa ang pagtulog pati pagligo.
Habang ang mayayamang kriminal ay hindi naranasan ang pagkakakulong nang ganito kaya ito ang dahilan ng hindi mapigil na korupsyon.
Binatikos din ni Baligod ang pagkakakulong ni Revilla na hindi aniya totoong ikinulong kundi binigyan lamang ng dormitoryo.
Nauna rito, sumuko ang actor/politician at ikinulong sa PNP Custodial Center ngunit inireklamo ang sobrang init na nagdulot ng migraine sa senador.
Labis ang pag-aalala ng kanyang maybahay na si Cavite Rep. Lani Mercado-Revilla dahil naha-high blood aniya ang kanyang mister. Bunsod nito, humiling siya ng evaporator sa kulungan.
Si Sen. Jinggoy Estrada ay humihirit din bigyan sila nang kaluwagan sakaling siya ay makulong na rin.
Kabilang din sa kanyang hiling ang pagkakaroon ng TV set at balak din niya na magdala kung sakali ng iPad.
(CYNTHIA MARTIN)