SISIKAPIN ng College of St. Benilde na magiging maganda ang kampanya nito sa darating na ika-90 season ng National Collegiate Athletic Association simula sa Hunyo 28.
Noong Season 89 ay ilang beses na natalo ng isa o dalawang puntos ang Blazers kaya ayon kay coach Gabby Velasco, panahon na para tapusin nila ang pagiging heartbreak kid ng liga.
“We’ve learned so many things from last year. Instead of close losses, who think of it as near-wins,” wika ni Velasco. “Hopefully, we could turn those heartbreaking moments to joys of triumph this season.”
Ilan sa mga beterano ng St. Benilde ay sina Paolo Taha, Mark Romero at Jonathan Grey na lahat ay naglaro sa PBA D League.
Unang makakalaban ng Blazers ang Emilio Agui-naldo College sa Hulyo 2.
Samantala, nangako ang pinuno ng Sports5 na si Chot Reyes na magiging mas malawak ang coverage ng NCAA sa TV5 ngayong taong ito.
Sa unang linggo ng NCAA ay mapapanood mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon ang mga laro sa TV5 at Aksyon TV kapag Lunes, Miyerkoles at Biyernes ngunit kapag natapos na ang PBA finals ay mula alas-2 hanggang alas-6 na mapapanood ang NCAA tulad ng UAAP sa ABS-CBN Sports.
May isang laro ang NCAA tuwing Sabado sa TV5 simula alas-2:30 ng hapon.
“We’re going to make the NCAA available to a very huge audience with great reach,” ani Reyes na coach din ng Gilas Pilipinas. “We’ve been able to deliver great ratings for the PBA, record-breaking television ratings, so hopefully we are able to replicate that with the NCAA.” (James Ty III)