IN-LOVE KAY MA’AM
Pero nang mag-bell ay mabilis na gumanda ang pakiramdam ko.
“You, you… and you!” pagtuturo ng daliri ni Miss Apuy-on sa aming tatlo nina Jay at Bryan. “Sumunod kayo sa akin sa faculty room.”
Nahulaan ko na agad ang dahilan niyon. Napansin siguro ni Miss Apuy-on ang pamumula ng mga mukha naming magkakadabar-kads. Naglider sa aming tatlo si Jay. Siya ang unang humarap sa aming titser. Parang isang close-door meeting ‘yun. At nang balikan niya kami ni Bryan sa makalabas ng faculty room ay nakangising-hudas na siya.
“Absuwelto na tayo Kay Ma’m,” aniya sa amin ni Byran.
“T-talaga, ‘Pre?” naibulalas ni Bryan na halos ‘di makapaniwala.
“P-pa’nong nangyari ‘yun, ‘Pre?” naitanong ko sa pagtataka.
“Magaling akong abogado,e…” pagyayabang ni Jay.
Kinalawit ni Bryan ng bisig sa batok si Jay at saka niya kinanti-kanti ito ng suntok sa dibdib.
“Pa-tsapter-tsapter ka pa, e… ‘wag mo na kaming ibitin ni Atoy,” hirit ni Bryan kay Jay.
“Okey, okey…” ani Jay makaraang magpigil sa pagtatawa.
May ibinulong-bulong si Jay kay Bryan. At pagkaraa’y kapwa na sila nagtatawa.
“Isali n’yo ako, hoy!” sigaw ko sa kanilang dalawa.
Sa kwento ni Jay, galit na galit umano si Miss Apuy-on nang kausapin siya nito sa fa-culty room. Dahil daw sa pagpasok namin sa klase nang nakainom ay nagbanta na ipaga-guidance kami. Hindi raw siya kumibo at hinayaan lang na magsermon nang magsermon ang titser namin. Sa huli ay itinanong daw nito kung bakit kami uminom ng alak.
“Pa-drama effect ang acting ko kay Ma’m. Sabi ko… Ma’m, sinamahan lang po namin ni Bryan si Atoy sa kanyang mabigat na problema. Tanong agad ni Ma’m: Ano’ng problema ni Atoy?” ang sabi ni Jay.
“A-ano’ng sinabi mo kay Miss Apuy-on?” tanong ko.
“Hindi muna ako nagsalita… Naglungkut-lungkutan muna ako…Tapos, tirada ko: Kasi po, Ma’m, e, in-love sa iyo si Atoy pero ‘di n’ya maibulalas ang kanyang damdamin,” kwento pa ni Jay na sinundan ng malakas na halakhak.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia