NAGHIHINTAY na lamang ng dagdag ng minstructions ang National Bureau of Investigation (NBI) mula kay Justice Sec. Leila de Lima para ihain ang ikatlong batch ng pork barrel cases sa Office of ther Ombudsman.
Ayon kay NBI Director Virgilio Mendez, may mga isinasapinal na lamang na dokumento at maaari nang ihain ang mga kaso.
Sakop ng magiging mga reklamo ang mga transaksyon mula 2007 hanggang 2009.
Tumanggi muna si Mendez na ilahad ang mga pangalan ng mga kakasuhan sa ikatlong batch ng pork barrel cases.
Ngunit una nang kumalat ang pangalan nina Sen. Gregorio Honasan, TESDA Director General Joel Villanueva, La Union Rep. Victor Ortega, dating La Union Rep. Manuel Ortega, dating Zamboanga Rep. Isidoro Real Jr., Manila Rep. Amado Bagatsing, Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, Abono Rep. Conrado Estrella III, at dating Abono Rep. Robert Raymund Estrella.
Para kay De Lima, hindi pa opisyal na listahan ang kumakalat dahil iaanunsyo lamang nila ito sa mismong araw ng filing sa Ombudsman.