INIUTOS ni Justice Sec. Leila De Lima ang pagbuo ng special investigating team para bumusisi sa kontrobersiyal na paglabas-pasok ng high profile prisoners sa mga kulungan na saklaw ng Bureau of Corrections.
Ito ay kasunod ng napaulat pa confinement ng isang drug lord sa isang ospital nang walang pahintulot mula sa Department of Justice.
Ang binuong panel ay kinabibilangan nina Justice Undersecretary Francisco F. Baraan III, bilang chairman, at mga miyembrong sina Jose Doloiras, Deputy Director for Intelligence Service ng National Bureau of Investigation, at State Counsel Charles Cambaliza.
Partikular na pinatutukan ni De Lima ang kaso ni Ricardo Camata at iba pang kahalintulad na kaso lalo na ang mga kilalang inmates.
Nabatid na si Camata alyas Cha-cha, sinasabing commander ng Sigue Sigue Sputnik gang, ay isinugod sa Metropolitan Hospital dahil sa sakit sa baga ngunit naging kontrobersiyal nang bisitahin ng stalet na si Krista Miller.
Bukod kay Camata, noong Mayo 27, si Herbert Colangco alyas Ampang ay dinala rin sa Asian Hospital and Medical Center Sa Alabang.
Si Colangco ay pinuno ng bank robbery gang na responsable sa pagsalakay sa mga banko sa Pampanga, Quezon City, at Paranaque.