ni Ed de Leon
SARI-SARING reaksiyon ang naririnig namin tungkol sa ginawang pagpapakasal ng aktres na si Boots Anson sa kanyang asawa na ngayong si Atty. King Rodrigo. Isang linggo na pero pinag-uusapan pa nila ang naging kasal ng 68 years old na aktres sa kanyang 75 years old na asawa.
Una, sinasabi nga nila na nagpakasal pa raw ang dalawa, eh magkaka-anak pa ba sila?
Iyang kasal ay isang sakramento na itinalaga ng Diyos. Iyan ay isang deklarasyon ng dalawang tao na sila ay nagmamahalan at nakahandang magsama habambuhay dahil sa pagmamahalang iyon. Hindi sinasabing magmamahalan lamang sila at magsasama para magkaroon ng anak. Maliwanag na silang dalawa lamang ang nagkasundong magsasama at magmamahalan, ano man ang kalabasan niyon sa kanilang buhay.
Hindi lang iyan isang bagay na legal. Iyang sakramento ng kasal ay pagtupad sa isang tungkulin ng pananampalataya. Kaya nga ang mga lehitimong Kristiyano ay naniniwala sa kasal sa simbahan, sa harap ng isang pari. Isang magandang example iyang ginawa nina Boots.
Inilagay nila sa ayos ang kanilang kasal. Hindi kagaya noong iba na magpapakasal ng madalian sa bahay ng kung sino-sino, tapos sa bandang huli hihingin nilang ipawalang bisa iyon matapos na mag-away sila at sasabihing fake naman ang kanilang kasal.
Hindi lang miminsang nangyari iyan. May isang female star noon na out of desperation ay nagpakasal agad sa bago niyang boyfriend matapos siyang isplitan ng nauna niyang boyfriend. Nagpakasal sila sa isang pinaniwalaan niyang judge. Makalipas ang ilang taon nalaman niya na fake pala ang judge at fake ang kanilang kasal.
Ganoon din naman iyong nangyari kamakailan sa isa pang female star. Mabilisan niyang pinakasalan ang boyfriend niya noon, dahil binata iyon at takot siyang wala nang lalaking magpapakasal sa kanya dahil sa kanyang love stories. Iyong female star at ang kanyang manager pa ang nag-ayos ng lahat sa kasal na iyon. Tapos lumabas na fake pala ang kasal at fake pala ang ministro ng kung anong iglesia na nagkasal sa kanila.
At least sina Boots at King, siniguro nilang nasa ayos ang lahat sa kanilang kasal, at ang ipinakita nila ay ang pagdiriwang ng sakramento, hindi kagaya niyong iba na ang ipinakikita ay iyong handaan lamang, at kung paanong ang mga mayayaman ay nagtatapon ng pera para sa isang okasyon samantalang ang daming Filipinong nagugutom sa ngayon.