HINIMATAY ang isang Filipino na paalis patungo sa Saudi Arabia, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon.
Si Lumanggal Sabirin Apad, 33, residente ng Dasmariñas, Cavite, nagtatrabahong cook sa Saudi Arabia ay nawalan ng malay habang papasok sa departure area ng NAIA 1 dakong 9 a.m.
Tumama ang ulo ni Apad, sa railing nang siya ay himatayin.
Agad dinaluhan ang biktima ng airport security personnel at kapwa overseas Filipino worker, saka humingi ng tulong sa airport clinic personnel. Ayon sa airport doctor na si Antonio Garcia, normal ang vital signs at sugar level ni Apad.
Nang matauhan, sinabi ni Apad na nahilo siya habang papasok sa departure area. Aniya, ito ang unang beses na siya ay hinimatay, at wala siyang sakit.
Sinabi ni Garcia na maaaring hinimatay si Apad dahil sa stress. Aniya, nawala ang wallet ni Apad at nainitan sa airport.
Na-clear ng mga doktor si Apad para sumakay sa Cathay Pacific flight dakong 10:45 a.m.
Nauna rito isang pasahero na kinilalang si Erlly Melinda Bernabe na dumating mula Dubai, ang hinimatay rin sa main lobby ng paliparan kamakailan.
(GLORIA GALUNO)