ASAHAN ang pagdating ng 800,000 toneladang bigas na inangkat ngayon buwan ng Agosto, isang positibong balita sa publiko na posibleng solusyon sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Siniguro ito kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Gregory Domingo, kasabay ng pagsasabing mayroon pang 73 araw na rice inventory kabilang na rito ang nasa National Food Authority (NFA).
Inirekomenda na rin aniya ng DTI sa NFA na subukan mag-direct selling na ang ahensiya, na maaaring magbenta sa mga pribadong korporasyon at ang pribadong korporasyon ay maaaring ibenta rin ang bigas sa kanilang mga empleyado.
Kabilang aniya sa inirekomenda ng DTI ay doblehin pa ang pagsu-supply ng murang bigas sa mga pamilihan partikular ang well-milled rice na nasa P32 kada kilo ang presyo upang mabigyan ng alternatibo ang mga consumer.
Napag-alaman, ang kasalukuyang presyo ng well-milled rice ay nasa P42 kada kilo na tumaas ng P2 kada kilo noong nakaarang buwan.
Habang ang presyo ng karneng baboy at manok ay bahagyang tumaas at ngunit sinabi ni Domingo, tiniyak ng hog raisers at poultry producers na magiging matatag na ang presyo nito sa susunod na mga araw.
(JAJA GARCIA)