NGAYONG araw magpoprotesta ang mga drayber at operator ng mga kolorum na sasakyang pampubliko. Ha! Mga ilegalista, magpoprotesta!? Kakaiba yata ang ulat na ito.
Tututulan nila ang bagong alituntunin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inaprubahan naman ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ang hinggil sa ipaiiral na multa laban sa mga mahuhuling kolorum.
Ngayong araw na ito rin iimplementa ang multahan blues na hindi biro ang halaga – P200,000 hanggang P1,000,000 ang multa ng bawat mahuhuli.
Ayos iyan!
Pangunahing dahilan at paniwala ng LTFRB, ang malaking halaga ng multa ang magpapabagsak sa mga kolorum na madalas nasasangkot sa trahedya sa lansangan.
Ang mga kolorum ay hindi lamang iyong walang prangkisa kundi maging ang mga may prangkisa pero iba ang rutang tinatahak. Tulad na lamang ng mga pampasaherong jeep na pumipila sa parking lot ng Ever Commonwealth Avenue, Quezon City.
Karamihan sa pumipilang jeep dito lalo na sa oras ng uwian ay may mga biyaheng Fairview-Quiapo, Cubao-Quiapo, Taft vice versa, etc. Pero ang pinipilahan nila ay biyaheng Ever – Montalban, Ever – San Mateo vice versa etc.
Kaya attention LTFRB at Land Transportation Office (LTO) take note of this. Napakaraming kolorum na pampasaherong sasakyan na pumipila sa bisinidad ng EverCom. Ewan ko nga kung bakit nakalusot sa pamunuan ng EverCom.
Magpoprotesta raw ang mga kolorum ngayon para tutulan ang malakihang multa – tinututulan daw nila ito dahil sa sobrang laki ng multa bukod sa tataas din ang presyo ng mga kotong cops sa kanila.
Tama kayo riyan, malamang sasamantalahin kayo ng mga gagong pulis, traffic enforcers at mga tulad nila. Iyong kotong nilang P200 sa inyo kada biyahe malamang magiging doble ito o higit pa.
Kung ayaw n’yong makotongan, tumino na kayong mga kolorum. Katunayan, karamihan sa mga kolorum ay mayayabang – mga gago sa lansangan, mga gago sa kanilang pasahero. Bakit? Paano kasi wala naman silang pinangangalagaang prangkisa na puwedeng bawiin sa kanila ng gobyerno. Kapag ikaw ay biktima ng mga kolorum, paano mo sila hahabulin para papanagutin ang kanilang kagaguhan. Hindi mo sila puwedeng ireklamo sa LTFRB dahil nga raw wala naman silang prangkisa.
Kaya, tama lang ang ipaiiral na multa hanggang milyong piso para maubos na ang mga kolorum. Hindi lang kolorum ang mawawala sa lansangan kundi maging ang kotong cops na paboritong kotongan ang mga kolorum.
Hindi lang ito ang masusugpo ng LTFRB sa pagpapairal ng malakihang multa kundi ang mga trahedya rin sa lansangan – oo, malaki ang posibilidad na bababa ang aksidente sa mga lansangan dahil wala nang tatakbong kolorum sa mga lansangan. Hindi naman lingid sa kaalaman natin na karamihan sa mga nasasangkot sa aksidente lalo na sa highway ay mga kolorum.
Kaya nakatatawa naman ang mga magpoprotestang kolorum. Hindi ko naman sinasabing wala silang karapatan pero, mga ilegalista magpoprotesta?!
Onli in our beloved country lang nangyayari ito ha.
Teka, may protest permit din kaya mula sa QC hall ang mga kolorum para sa kanilang pagprotesta?
Go go go … LTFRB, ubusin n’yo ang mga kolorum na iyan!
Almar Danguilan