LEGAZPI CITY – Posibleng magresulta sa phreatic o magmatic eruption ano mang oras ang naitatalang volcanic quakes sa nakalipas na mga araw sa bulkang Mayon.
Ayo kay Phivolcs Science and Research Analyst Alex Baloloy, may mga factor na pwedeng magpabago sa pagbaba o pagtaas ng materials sa loob ng bulkan lalo na ang magma na nakadeposito ngayon kasabay ang ipinapakita nitong abnormalidad.
Ayon kay Baloloy, may mga nakita silang pamamaga sa Buang leveling line sa Tabaco City, na nasa 5.41mm habang 1.16mm sa Lidong leveling line sa Sto. Domingo.
Base sa pinakahuling deformation survey, lumalabas na malalim pa ang magma bagamat nagkakaroon din ng 100-metrong emission ng white steam plume o usok sa Mayon.
Sa ngayon, walang naitatalang crater glow o banaag sa bunganga ng bulkan at nasa normal pa ang ibinubugang asupre o sulfur dioxide na nasa 171 tons kada araw.
Nananatili pa rin ang alert level 1 at patuloy rin ang paalala ng Phivolcs sa publiko na iwasan ang pumasok sa 6-kilometrong permanent danger zone (PDZ) sa palibot ng bulkan.