WALANG nakikitang dahilan si Pangulong Benigno Aquino III para atasan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na umayuda sa Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo sa lumalalang kriminalidad sa buong bansa.
Ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., batay sa pagsubaybay at pagsusuri ni Pangulong Aquino sa sitwasyon ng seguridad at law and order, hindi niya nakita na may pangangailangan sa ‘militarisasyon’ sa buong bansa.
Bilang commander-in-chief ay hindi aniya nagkukulang ang Pangulo sa aspeto ng superbisyon sa AFP at PNP at madalas siyang makipag-ugnayan sa mga pinuno ng militar at pulisya.
Hindi rin aniya katanggap-tanggap sa Palasyo ang crime solution rate na isa sa tatlong krimen ang nalulutas, dahil nangangahulugan ito na may oportunidad pa rin ang mga kriminal kaya dapat paigtingin pa rin ang crime prevention at law enforcement efforts.
Sabi ni Coloma, kailangang ireporma nang unti-unti ang buong criminal justice system upang masugpo ang kriminalidad.
Kaugnay nito, pag-aaralan ng Malacañang ang mga suhestiyon na ipinarating sa kanila ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na magtayo ng mala-Alcatraz sa Filipinas na state-of-the art facility sa isang isla at pagpapasuot ng vest at helmet sa mga pasahero ng motorsiklo na may malaking sulat ng plate number, bilang mga hakbang sa crime prevention.
(ROSE NOVENARIO)