PAKAY ng Lyceum of the Philippines University Pirates na pumasok sa top 4 sa 90th National NCAA seniors basketball at hangad din nila na maging regular member na sila ng liga.
“Handa na kami ngayong season kahit anong mangyari manalo o matalo makikita n’yo ang Pirates na lumalaban hanggang sa huli,” wika ni LPU coach Bonnie Tan.
Sabi pa ni Tan na tiwala siya na makakatulong ang pitong rookies sa mga veterans ng LPU para sumampa sa inaasam na top 4 sa nasabing pinakamatandang Collegiate league sa Pilipinas na uumpisahan sa Hunyo 28 sa Mall of Asia Arena.
Sa NCAA press conference kamakalawa, sumang-ayon ang mga coaches na ang San Beda College Red Lions pa rin ang team to beat kahit nalagasan ang five-peat seeking ng mga beteranong players tulad nina skipper Rome Dela Rosa, Francis Johnson Abarcar, John Mark Ivan Ludovice, at Antonio Bonsubre, Jr.
Pasok ang apat na rookies na sina Ranbill Angelo Tongco, Javee Mocon, Jeramer Cabanag at Lance Mikhain Abude para sa Red Lions.
Tulad ng LPU hangad din ng Emilio Aguinaldo College Generals na maging regular member na sila ng liga.
Kailangan higitan pa ang ipinakitang tikas ng Pirates at Generals nitong nakaraang season para maging regular na ang kanilang membership.
Sa unang laro sa opening day, magsasalpukan ang four-time defending champion Red Lions at ang host sa season na ito na Jose Rizal University Heavy Bombers sa ala-una ng Hapon.
Sa alas tres ng hapon, magraratratan naman ang San Sebastian College Stags at last year’s runner up Letran Knights.
Samantala, ang tema ng liga ay “Today’s Heroes, Tomorrow’s Legends, NCAA@90: We Make History”.
Ang ibang teams na kasali ay Mapua Cardinals, College of St. Benilde Blazers, Perpetual Help Altas at Arellano University Chiefs.
(ARABELA PRINCESS DAWA)