MULING nanawagan ang Malacañang sa mga kababayang may kamag-anak sa Iraq at Libya na kausapin ang mga mahal sa buhay na overseas Filipino workers (OFWs) doon para boluntaryong magpa-repatriate pauwi ng bansa.
Ito’y bunsod ng pagtindi ng kaguluhan sa dalawang Muslim countries partikular sa Iraq na patuloy ang paglusob ng al-Qaida-breakaway group na kilala bilang Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL).
Ang ISIL ay binubuo ng Sunni insurgents na kinabibilangan ni dating Iraq Pres. Sadam Hussein, mortal na kaaway ng ethnic Shiites na ngayo’y may hawak ng Iraqi government.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, dapat ikonsidera ng mga OFW ang deklarasyon ng Department of Foreign Affairs para sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Coloma, hindi pababayaan ng gobyerno ang mga uuwing kababayan dahil may programa rito ang Department of Labor and Employment (DOLE) para makahanap ng bagong trabaho.
Ngunit kung magmatigas, wala aniyang balak ang gobyerno na pilitin ang mga ayaw umuwi sa bansa.
“We are calling on our residents, especially those who are in the danger zones, to voluntary repatriate themselves or return to the Philippines at government expense,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)