MAGSISIMULA sa unang linggo ng Hulyo ang araw-araw na ensayo ng Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup sa Espanya at Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni Gilas coach Chot Reyes na hihintayin niyang matapos ang PBA Governors Cup sa Hulyo 9 bago magsimula ang ensayo ng national team.
Sa ngayon ay libre nang mag-ensayo sa RP team sina Gary David at Jared Dilinger ng Meralco at Jay Washington ng Globalport dahil parehong tanggal na ang Bolts at Batang Pier sa Governors Cup.
Nasa Amerika ngayon ang bagong naturalized na manlalaro ng Gilas na si Andray Blatche para ayusin ang kanyang kontrata sa Brooklyn Nets sa NBA at babalik siya sa ating bansa sa kalagitnaan ng Hulyo.
Dahil dito ay hindi makakalaro si Blatche para sa Gilas sa FIBA Asia Cup na gagawin sa Wuhan, Tsina, mula Hulyo 11 hanggang 19 at si Marcus Douthit muna ang isasabak ni Reyes sa torneo.
Kasama ang Gilas sa Group B kabilang din ang Chinese-Taipei, Jordan, Singapore at Uzbekistan.
Nasa Group A naman ang Tsina, India, Indonesia, Iran at Japan.
Ang magiging kampeon ng FIBA Asia Cup ay makakapasok kaagad sa FIBA Asia Championships sa susunod na taon kung saan tanging ang kampeon nito ay makakalaro sa men’s basketball ng 2016 Rio de Janeiro Olympics.
(James Ty III)