KALIMUTAN ang mga ehersisyong pampalaki umano ng boobs: Mayroon nang bagong bust-booster na naimbento.
Nilikha ng confectionery maker sa Japan na B2Up ang tinaguriang ‘F Cup’ cookies, na ayon sa nakaimbento ay nakapagpapalaki ng breast size dahil ang bawat isa nito ay naglalaman ng 50mg ng Pueraria Mirifica extract, isang extract na matatagpuan sa halaman sa hilaga at hi-lagang-silangang Thailand.
Ang naturang halaman ay naglalaman din ng isang molecule na katulad ng humane hormone estrogen (isang phytoestrogen), na kung tawagin ay Miroestrol, na ayon naman sa B2Up ay ginagaya ang biological activities ng nabanggit na hormone.
Habang inirerekomenda ng kompanya na kumain ng cookies araw-araw paramakita ang resulta, kinukuwestyon ito bilang panloloko ng mga nutrition expert.
“Ang phytoestrogens ay makikita sa maraming pagkain at sa ngayon ay walang pag-aaral na magpapatunay na ang pagkain nito ay makapagpapalaki ng dibdib,” ayon sa isang nutritionist sa The Daily Mail UK.
“Maging ang konsentradong dose ay hindi nagpapakita ng ano mang bagay, habang ang pagkain ng maraming biskuwit ay maaaring humantong sa pagtaas ng timbang at lahat ng bagay na kasama dito.”
Kinalap ni Tracy Cabrera