ITO ang kritikal na pagsukat ng isang kilalang tagapsuporta ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, na naglarawan sa punong ehekutibo bilang bulag sa realidad ng mga problemang kinakaharap ng ating bansa.
Sa lingguhang Tapatan sa Aristocrat media forum, ipinaliwanag ni civil society convenor Junep Ocampo na kahit nasa harap na ng mukha ng pangulo ang mga suliranin ng sambayanan, patuloy pa rin siyang walang ginagawa para lutasin ang mga ito.
“Malinaw na nakita natin sa karanasan natin sa bagyong Yolanda ang kabiguan ng pamahalaan at administrasyong Aquino na tugunan ang lahat ng pangangailangan para maka-recover sa pinsala sa Kabisayaan at Mindanao,” punto ng Oplan Hatid at EDSA Tayo proponent.
Inihayag ni Ocampo na kailangan na rin kumilos ang sambayanan imbes maghintay ng aksyon mula sa pamahalaan para solusyonan ang mga problema tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho at mabagal na paglago ng ekonomiya.
“Nakikita natin na simple lang naman ang ating problema ngunit ang ating gobyerno—sa kabila ng malawak nitong impraestruktura—ay nabigong isagawa ang nararapat na aksyon,” aniya.
Sinuportahan ni Pastor Boy Saycon ng Council on Philippine Affairs (COPA), na idiniing ang dahilan ng kabiguan ng administrasyong Aquino sa kabiguan makapagbigay ng serrbisyo sa publiko ay dahil sa mga opisyal na hindi isinasapuso ang kanilang ginagawa.
“Puro personal na interes. Kapag may bayanihan, ang pananaw dito ng pamahalaan ay may bahid ng pagkainggit at puwede nilang sakupin at agkinin sa kalaunan,” ani Saycon.
Sinabi naman ng civil society leader na si Malou Tiquia ng Publicus Asia nasasayang lamang ang ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya ng administrasyong Aquino dahil wala rin ibinibigay na tunay na social service ang pamahalaan.
“Sa kabila ng sinasabi niyang (Aquino) nagawa nila laban sa korupsyon, naniniwala akong hindi niya magagawa ang kanyang pangako na linisin ang ating lipunan sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan,” konklusyon ni Tiquia.
(Tracy Cabrera)