TINUTUGIS ng National Bureau of Investigations (NBI) ang dalawang pulis na nakadestino sa Bicutan dahil sa pagkakasangkot sa pagdukot ng ilang dayuhan kapalit ng ransom.
Ito ay kasunod ng pagkakadakip ng NBI Anti-Organized and Transnational Crimes Division (AOTCD) kay PO2 Frederic Tolentino, nakatalaga sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPHAU) sa Bicutan, Tagig City.
Bukod sa dalawang hindi pa pinangalanang pulis, kasama rin sa pinaghahanap ang dalawang Japanese national at limang Filipino na kasabwat sa sindikato.
Ayon sa NBI, isinailalim sa halos tatlong linggong surveillance si Tolentino dahil sa pagdukot sa isang negosyanteng Koreano na hiningian ng P10 milyong ransom.
Gayon man, ang nasabing halaga ay bumaba ng P4 milyon na nabayaran ilang araw makaraan ang pagdukot sa Koreano.
Si Tolentino ay napag-alaman sangkot din sa hostage taking sa kanyang live-in partner noong 2011.
Nakuha kay Tolentino ang isang 9mm baril, mga bala at isang cellphone.
(LEONARD BASILIO)