ni Nonie V. Nicasio
NAKATITIYAK ang mga suking manonood ng ABS CBN na isang obrang pampelikula ang alay ng tinaguriang Movie Queen ng bagong henerasyon na si Bea Alonzo sa pamamagitan ng pinakabagong primetime drama series na Sana Bukas Pa Ang Kahapon na ipalalabas ngayong Lunes (Hunyo 16).
Saad ng magaling na aktres, “Promise namin sa TV viewers, bibigyan namin sila ng isang dekalidad na movie experience na kakapitan nila gabi-gabi.”
Noong 2012 huling napanood sa TV seryeng A Beautiful Affair si Bea at aminado siyang sabik na sabik nang makabalik muli sa paggawa ng teleserye sa primetime. “Ang tagal ko na rin hindi gumawa ng ganitong klaseng palabas. Pakiramdam ko parang gumagawa ako ng isang epic love soap opera.”
Sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon, bibigyang-buhay niya ang mga karakter ng dalawang magkaibang babae na pag-iisahin ng kanilang laban para sa katarungan—si Emmanuelle para sa pagkamatay ng kanyang mga magulang, at si Rose para naman sa isang krimen na hindi niya ginawa.
Sa direksyon nina Jerome Pobocan at Trina Dayrit, ang naturang serye ay binubuo ng award-winning actors na sina Paulo Avelino, Dina Bonnevie, Tonton Gutierrez, Maricar Reyes, at Albert Martinez. Kasama rin dito sina Eddie Garcia, Anita Linda, Susan Roces at iba pa, para sa kanilang natatanging pagganap.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng magkaugnay na buhay nina Rose at Emmanuelle sa Sana Bukas Pa Ang Kahapon ngayong gabi na sa ABS-CBN Primetime Bida.
ABE PAGTAMA, FIL-AM ACTOR NA NAKASALI SA PELIKULANG CONSTANTINE AT GODZILLA
AKTIBO sa indie movie ang Fil-Am actor na si Abe Pagtama. Pero marami ang hindi nakaka-alam na nakasali siya sa pelikulang Constantine at naka-eksena pa siya ng bida ritong Hollywood star na si Keanu Reeves.
Anong klaseng experience ang makatrabaho si Keanu?
“Very amazing, mabuti siyang tao. Very mabait talaga siya, very humble… palaging sir siya ng sir sa akin,” nakatawang saad niya. “Hawayano rin iyon e, pareho kami, but I didn’t mention it. Talagang mabait lang siya. Nang nagpa-picture ako sa kanya, sabi niya agad, ‘Sure, sure…’ Wala siyang ere talaga e,” nakangiting kuwento ni Abe.”
Pati sa kapapalabas pa lang na Godzilla movie ay mayroon ding siyang naging partisipasyon. “Kasali rin ako sa Godzilla movie, pero yung voice ko lang ang ginamit doon. Nabayaran din ako ng 900 dollars, kahit voice ko lang ang ginamit.”
Matinding passion sa sining ng pag-arte ang pangunahing dahilan ng pagsabak niya sa larangan ng showbiz. Isa siyang retired US Federal government employee at ngayon ay naka-base na sa Los Angeles. “Ginagawa ko ito not for the money, but because I’m crazy enough to be an actor,” nakatawang saad pa niya. “Passion ko lang kasi talaga ito e, kaya kapag may project, from US ay lumilipad pa ako rito.”
Sinabi rin niya na talagang maliit ang bayad sa indie at kung minsan ay wala pang bayad. “Oo, totoo iyan. Actually, kaya nga nagiging associate producer na lang ako. E, mga kaibigan naman e, kaya sabi ko, siguro natatakot sila sa akin. Baka akala nila nanghihingi ako ng mataas na talent fee.
“Pero sa akin, basta maganda ang role ay walang problema. Ang pag-usapan natin ay iyong role at hindi iyong bayad.”
Kabilang sa mga pelikulang nagawa na niya ay ang Flip Side, The Debut, The Diplomat Hotel, Sabine, Delikadesa, Rekorder, Longanisa, Nagpapanggap, Kamera Obskura, at iba pa.
Noong nagsisimula pa lang, nakalabas na rin siya sa ilang TV shows sa US noong 80’s tulad ng Cagney & Lacey at Hunter.
Kung may pagkakataon, gusto rin daw subukan ni Abe na lumabas sa mga TV shows dito sa atin. Umaasa rin siyang makakatrabaho someday si Coco Martin na itinuturing niyang isang mahusay na aktor.