LAKAS-LOOB NA SINUONG NI TOTOY NAGKALAT NA SWAT MEMBERS MAIPAGAMOT LAMANG SI MINYANG
Inasahan ko na ang balita tungkol kay Tutok. Katunayan, sa mga diyaryong nakalatag sa bangketa na nadaanan niya sa paglalakad ay naroon ang istorya at larawan ng nakabulagtang bangkay ni Tutok. Ang malagim na kamatayan ni Dennis na hindi sumagi sa aking isip.
Biglaan ang pagpapasiya ko na dalhin sa isang ospital sa Blumentritt si Carmina. Hindi man maituturing na primera klaseng pagamutan, sa pagkakaalam ko ay popular ito sa pagkakaroon ng mga espesyalistang doktor sa iba’t ibang uri ng karamdaman.
Sa kalkula ko, hindi kukulangin sa kalahating milyon ang salaping nakabaon sa silong ng aming barong-barong. Kung saka-sakaling kulangin pa ang halagang ‘yun ay hindi ako mangingimi na muling ‘dumiskarte’ upang masustenahan ang pagpapagamot kay Carmina.
Nang mga oras na ‘yun, nakaposte na pala sa palibot-libot ng lugar namin ang mga pulis na naka-t-shirt ng matingkad na asul na may nakatatak na SWAT. Naaarmasan ng mabibigat na kalibre ng baril ang mga awtoridad. May asset pang naka-monitor, paikot-ikot na ginagalugad ang mga lugar na posible kong puntahan.
“Positive, Sir,” sabi ng lalaking mahaba ang nguso sa kausap nito sa cellphone. “Pa-punta na r’yan sa erya n’yo ang subject.”
Ako ang ‘subject’ na tinutukoy ng lalaki na ka-barangay ko. Istambay sa himpilan ng pulisya sa gabi, at sa araw ay naglalako ng nakahawlang mga sisiw na kinulayan ang balahibo.
“Sir, ‘eto na ‘yung subject… tanaw ko na,” sabi ng lalaking tsutsu. “Baka makalayo pa!”
Nagtakbuhan ang mga pulis na naka-pwesto sa tindahan na di-kalayuan sa bahay nina Carmina. Kasado na ang mga hawak na baril, daig ang sasabak sa gi-yera.
Pero hindi ako inabutan sa kalsada ng mga pulis na tumutugis sa akin. Nakaakyat ako sa aapat na baytang ng bahay nina Carmina at malayang nakapasok sa kanilang kabahayan.
Sa loob, tahimik na tahimik. Parang walang tao. Pumasok ako roon nang walang katok-katok.
Dito na ako sinalubong ng mga impit na hikbi. Luhaan ang ina ni Carmina na si Aling Azon at ang mga kapatid niyang sina Abigail at Obet. Nakapagitna sa mag-iina ang maysakit na si Carmina, latag na latag ang katawan sa higaan at bahagya nang nakamulat ang mga matang malalamlam.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia