NAKALUBLOB na sa kumunoy ang Miami Heat. Tanging ilong na lang ang nakalabas na humihinga.
At mukhang isang himala na lang ang hinihintay ng Heat para makaahon kontra sa San Antonio Spurs sa pagpapatuloy ng Game 5 ng NBA Finals ngayong Lunes.
Lamang sa serye ang Spurs, 3-1. At isang panalo na lang, aangkinin na nila ang kampeonato.
At para hindi mangyari iyon—kailangang manalo ng tatlong sunod ang Heat para muling manakaw ang kampeonato sa Spurs tulad ng nangyari noong nakaraang season.
Pero gaya nang sinabi natin, kailangan nilang manalo ng tatlong sunod na panalo para muling magmilagro.
Tingin natin—very remote na mangyari ang milagro dahil matindi ang inilalaro ng mga manlalaro ng Spurs na sina Kahwi Leonard, Tim Duncan at Tony Parker.
Ang matindi pa, yung dalawang laro na inilaro sa teritoryo ng Heat ay ninakaw ng Spurs.
At hindi lang basta ninakaw—sinisiw pa ng Spurs ang nagmistulang mga amateur players na sina Lebron James at Dwayne Wade.
Sabi nga ng mga eksperto sa basketball, nakarekta na ang Spurs para kunin ang Game 5 at ang kampeonato ng NBA. Lalo na’t ilalaro ang nasabing laro sa teritoryo ng San Antonio.
Tanong ng mga fans ng Miami, bakit nga ba parang walang kakuwenta-kuwenta ang inilaro ng Heat pagkatapos na maisahan nila ang Spurs sa Game 2 na inilaro pa naman sa bahay ng San Antonio?
Nakakapagtaka nga dahil sa naging panalo ng Heat sa Game 2 ay inaakala ng karamihan ng kritiko na dodominahin na ng Miami sa pagkakataong ito ang Spurs.
Pero bigla ngang nabaligtad ang ekspektasyon.
Tiyak na may malaking problemang kinakaharap ang Heat bilang team. Iyon ang pananaw ng karamihan ng miron. Pero sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na pahayag ang pamunuan ng Miami kung ano iyon.
Ang maririnig mo lang at mababasa sa mga write-ups sa internet ay pawang mga espekulasyon.
Sa ngayon ay umaasa pa rin ang fans ng Heat na makakabuwelta ito at gagawa ng imposibleng milagro. Ikanga nila, hindi pa opisyal na tapos ang serye.
At matindi ang paniniwala nila na mananatiling BILOG ANG BOLA.
Alex Cruz