SUPORTADO ng Palasyo ang pahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang magnanakaw sa kaban ng bayan ay may matigas na puso o “hard-hearted.”
“Nasa lugar iyong kanyang pagbibigay ng puna hinggil diyan. Wala naman sigurong magsasabi na mali iyong kanyang sinabi na iyon ngang nagsasagawa ng katiwalian ay matigas ang puso o hindi isinasaalang-alang iyong masamang epekto ng korupsyon sa kapwa,” ayon kay Communications Secretary Herminio Coloma, Jr.
Isinusulong umano ng administrasyong Aquino ang mabuting pamamahala at masigasig ang kampanya kontra katiwalian sa burukrasya.
Bukas din aniya ang administrasyong Aquino sa pagtanggap ng mga puna, mungkahi at suhestiyon mula sa lahat ng mga mamamayan at sektor ng lipunan.
“Kaya’t patuloy na sinusubaybayan ng pamahalaan ang daloy ng opinyong publiko batay sa pagpapahayag ng iba’t ibang sektor,” giit niya.
Samantala, naka-empake na rin si Sen. Bong Revilla bilang paghahanda sa nakaambang pag-aresto sa kanya.
Ayon kay Revilla, kahit na malaya pa silang makaaalis ng bansa, wala siyang balak na bumiyahe dahil aabangan niya ang arrest warrant.
Nabatid na nai-raffle na ang kasong plunder na isinampa kay Revilla at mga kasamahang sina Sens. Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada.
Ngunit hindi pa agad makapagpapalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan.
Sinabi ni Revilla na masaya siyang malungkot makaraan mai-raffle ang kaso.
Masaya siya na mapadadali ang paglilitis at pag-usad ng kaso at matatapos na ang trial by publicity laban sa kanila ngunit nalulungkot din dahil makukulong sila.
Samantala, ipauubaya ni Revilla ang kanyang chairmanship sa mga komite sa Senado, sa mga kasamahan na sina Sen. Ralph Recto o Serge Osmena.
(ROSE NOVENARIO/NINO ACLAN)