NABARIL at napatay ng isang riding-in-tandem ang sikat na car racer na si Ferdinand ‘Enzo’ Pastor bago maghatinggabi noong Huwebes.
Ayon sa ulat ng pulis, nakasakay ang 32-taong-gulang na si Pastor sa isang Isuzu tow truck na nagdala ng isang Asian V8 stock car patungong Clark International Speedway sa Pampanga nang biglang sumulpot ang dalawang suspek sa intersection ng Congressional at Visayas Avenue sa Lungsod ng Quezon.
Binaril sa ulo si Pastor at idineklara siyang dead on arrival sa isang pinakamalapit na ospital habang nakatakas ang mga suspek.
Nasugatan din sa insidente ang kasama ni Pastor na si Paulo Salazar ngunit ligtas na ang kanyang kondisyon.
Hanggang ngayon ay wala pang makitang motibo sa pagpatay kay Pastor na naging unang Pilipinong kasali sa NASCAR Whelen Euroseries Open Championship race circuit sa Estados Unidos.
Sumali na rin si Pastor sa Macau Grand Prix.
Nagtatag din si Pastor ng ilang mga karera sa Pilipinas bilang bahagi ng kanyang grassroots program. (James Ty III)