BUKOD sa mga hinayupak na taxi driver na nanghoholdap at nangmomolestya ng kanilang mga
Pasahero dapat din panagutin ang damuhong operator ng taxi na minamaneho nila.
Tanggapin natin ang masaklap na katotohanan na laging nakatutok ang mga ganitong kaso sa pananagutan ng pusakal na taxi driver na kadalasan ay tumatakas at hindi na nakikita, pero hindi nabibigyan ng pansin ang operator na nagpahintulot na imaneho niya ang taxi.
Sa totoo lang, sandamakmak na ang naging biktima ng mga tsuper na kriminal.
Halimbawa na rito ang sinapit noong Miyerkoles ng madaling-araw ni Chen Jun, isang babaing Chinese national, na hinoldap at pinalo ng tire wrench sa ulo ng nasakyang taxi driver.
Bagong dating ang biktima sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sumakay sa isang “Sir Anthony” taxi (UVZ-437) para magpahatid sa Cubao. Mantakin ninyong pagdating sa Katipunan Ave. flyover sa Quezon City ay hinoldap ng tsuper ang Intsik at kinuha ang kanyang bag.
Lumaban ang biktima kaya walang awa siyang pinukpok ng driver sa ulo gamit ang tire wrench.
Bumangga ang taxi sa bangketa kaya inabandona ng tsuper na dala ang mga gamit ng biktima. Mabuti na lang at may taga-MMDA na sumaklolo sa dayuhan at dinala siya sa ospital.
Maraming pasahero ang sumasakay sa taxi para makarating nang matiwasay sa kanilang pupuntahan. Bukod sa komportable sila sa biyahe ay alam nilang ligtas sila sa mga halang ang bitukang pusakal na puwede nilang makasakay sa jeep o sa bus.
Ang problema, may mga gagong tsuper ng taxi na holdaper at ang iba ay minamanyak pa ang biktima kapag nakursunadahan niya. In fact, mayroon din mga damuhong tsuper na gumagamit pa ng spray para patulugin ang pasahero bago niya ito nakawan at gawan ng ano mang kahalayan.
Hindi dapat makaligtas ang operator ng taxi sa ganitong mga kagaguhan. Alalahanin na ang kalakaran ngayon ay pinauupahan ng mga operator ang kanilang taxi sa kahit sinong hinayupak na may lisensyang magmaneho.
Hindi man lang inaalam ng gunggong na operator kung totoo ang lisensyang ipinakita sa kanya at kung ano ang pagkatao ng kinuha niyang driver. Maraming tsuper ng taxi ang may criminal record, addict sa droga at ex-convict pero nakalulusot pa rin dahil walang alam ang gagong operator.
Dapat busisiin ng operator ang background ng kanyang kinuhang tsuper dahil sagutin niya ang sasapitin ng pasahero ng taxi niya. Tama lang na kapag gumawa ng kagaguhan ang driver ay dapat isabit sa kaso ang operator. Wala itong ipinagkaiba sa kostumer na pumasok sa isang restawran na nilason ng waiter ang mga kakain, kaya sabit din ang manager.
Dapat mabago rin ang pagiging burara ng taxi drivers na ang iba ay nanlilimahid sa libag, nakasuot lang ng shorts at tsinelas, at saksakan nang baho ang amoy. Sa hitsura pa lang ay may mga taxi driver na mukhang hindi talaga gagawa nang mabuti. Ang lahat nito pati na kondisyon ng taxi, mga mare at pare ko, ay sagutin ng operator kaya damay siya kapag sumabit ang driver.
Tandaan!
Ruther Batuigas