WALANG plano ang Malacañang na isapubliko ang medical report ni Pangulong Benigno Aquino III bilang patunay na siya’y malusog at may kakayahan gampanan ang kanyang mga tungkulin hanggang 2016.
Ito’y kahit madalas ubuhin ang Pangulo habang nagtatalumpati sa iba’t ibang okasyon, tulad noong Independence Day sa Naga City na tatlong beses siyang napatigil sa pagsasalita bunsod nang mahigpit na pag-ubo.
“The president consults his personal physicians on a very regular basis. And I was told by one of them that: “Yes, he maintains, generally, in good health,” ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Hindi pa aniya nagbibigay ng go signal ang Pangulo na ihayag sa publiko ang kanyang medical report, gaya ni US President Barack Obama na inilabas ng White House ang medical report kaya’t binigyan ng clean bill of health .
“But wala pa naman po na discussions to that effect — that to release a medical report. Well, you know, because while he is President, he is also entitled to that privilege of having his medical information and his medical records kept confidential unless he gives permission to divulge it,” sabi pa ni Valte.
Nakasaad sa 1987 Constitution na dapat ipaalam ng Pangulo sa mga mamamayan kung mayroon siyang malubhang sakit.
(ROSE NOVENARIO)