EBIDENSIYA at hindi politika ang batayan sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga akusado sa P10-B pork barrel scam.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang Independence Day speech sa Naga City kahapon o isang araw makaraan akusahan ni Sen. Jinggoy Estrada ang administrasyon nang pamumulitika kaya sinampahan sila ng kasong plunder nina Sens. Juan Ponce-Enrile at Bong Revilla kaugnay sa pork barrel scam.
Aniya, bago pa ang 2013 midterm elections ay nabulgar na ang iskemang pork barrel scam bunsod ng isyu ng illegal detention sa whistleblower na si Benhur Luy kaya’t inatasan niya si Justice Secretary Leila de Lima na tiyaking may sapat na ebidensiya bago maghain ng kaso.
”Sinunod natin ang tamang proseso: Nagsagawa ng imbestigasyon, nangalap ng mga ebidensiya, at ngayon ay nagsampa ng kaso,” aniya.
Iginiit pa niya na kung politika ang motibo sa pork barrel scam, dapat ay isinampa na ang mga kaso sa panahon ng halalan upang siraan ang mga sangkot sa anomalya.
“Pwede naman itong ginawa noon nang mabilisan at walang matibay na basehan upang masira ang pangalan ng mga kandidatong dawit sa kontrobersiya, pero idinaan natin sa tamang sistema ang pagpapalabas ng katotohanan. Pagkatapos tayo pa ngayon ang sinasabihan na namumulitika? Kayo na hong bahalang magpasya kung sino ang papanigan n’yo sa usaping ito,” dagdag pa niya.
Ikinuwento pa ng Pangulo, ang naging karanasan ng kanyang pamilya noong batas militar ang nagturo sa kanya na maging patas upang makamit ang hustisya.
“Sa madaling salita po, si Ginoong Marcos ang nag-akusa, siya rin ang naglitis, at siya pa rin ang may kapangyarihang magdesisyon sa apela. Kitang-kita po dito kung paanong binaluktot ng diktador ang sistema ng hustisya upang makuha ang gusto niya. Ang karanasan nga po ng aming pamilya ang nagturo sa akin ng kahalagahan ng pakikipaglaban para sa pagkakapantay-pantay upang mawakasan ang siklo ng kawalang katarungan,” sabi pa niya.
Ngayong nasa kapangyarihan na siya ay nagiging gabay ng Pangulo ang sinabi sa kanya ng ama na , “Sa tunay na demokrasya, obligasyon ng bawat isa na ipaglaban hindi lang ang karapatan ng kanilang mga kaibigan, kundi pati na rin ng kanilang mga kalaban. Kung yuyurakan mo ang karapatan ng sino man, darating ang panahon na karapatan mo naman ang babalewalain.
(ROSE NOVENARIO)