SINA Pangulong Benigno S. Aquino III, Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, at Dean of Diplomatic Corps Archbishop Guiseppe Pinto sa traditional toast sa ginanap na Vin d’ Honneur bilang paggunita sa ika-116 anibersaryo ng proklamasyon ng Philippine Independence sa Rizal Hall ng Malacañang Palace kahapon. (JACK BURGOS)
NANAWAGAN si Pangulong Benigno Aquino III sa mga botante na huwag ihalal ang mga artista sa susunod na halalan.
“Ang hamon sa atin: Piliin ang mga kandidatong kayang ipaglaban ang interes ng bawat mamamayan, sa harap ng ano mang hamon. Hindi natin kailangan ng magaling bumigkas ng script, mahusay sumayaw, o kaya magaling kumanta,” anang Pangulo sa kanyang Independence Day speech kahapon sa Naga City.
Bagama’t hindi binanggit ang pangalan nina Sens. Jinggoy Estrada at Bong Revilla, parehong dating artista bago naging politiko, na binatikos ang administrasyon dahil sa pagsasampa ng kasong plunder sa kanila kaugnay sa P10-bilyon pork barrel scam.
Matatandaan, sa kanyang privilege speech noong Lunes ay gumamit pa ng MTV si Revilla habang si Estrada ay nanggagalaiti sa kanyang “Hindi Ako Magnanakaw” privilege speech nitong Miyerkoles.
Hinimok ng Pangulo ang publiko na isapuso ang aral ng ating mga bayani na pagmamalasakit sa kapwa upang maging karapat-dapat sa kanilang sakripisyo para maitaguyod ang isang ganap na makatarungan at malayang Filipinas.
(ROSE NOVENARIO)