NAGPAHAYAG ang head coach ng Miami Heat na si Erik Spoelstra ng kanyang pagnanais na makausap niya ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao na playing coach ng bagong koponang Kia Motors sa PBA.
Sa harap ng ilang mga manunulat bago ang Game 3 ng NBA Finals, sinabi ni Spoelstra na hanga siya kay Pacquiao dahil pareho silang mahilig sa basketball.
“It doesn’t surprise me (na coach si Pacquiao),” wika ni Spoelstra na ang kanyang inang si Elisa Celino ay tubong-San Pablo, Laguna. “He’s a tremendous fan of basketball and the NBA. He plays pickup all the time. But I’m sure [boxing trainer] Freddie Roach doesn’t appreciate that.”
Ilang beses na bumisita si Spoelstra sa Pilipinas para tulungan ang NBA sa programa ng liga tungkol sa kalusugan.
Plano ni Spoelstra na muling bumisita sa Pilipinas para magsagawa ng ilang mga clinics at posibleng panoorin niya si Pacquiao. (James Ty III)