PINAYAGAN ng Sandiganbayan makapagpyansa ang apat pangunahing akusado sa pork barrel scam na sina Senators Juan Ponce Enrile, Ramon “Bong” Revilla, Jr., Jinggoy Estrada, at si Janet Napoles.
Kasabay nito, inihayag ni Justice Secretary Leila de Lima na malaya pa rin makaaalis ng bansa ang tatlong senador. Ngunit paglilinaw ng anti-graft court, ang pagpayag na makapaglagak ng pyansa ay para lamang sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at hindi sa plunder case.
Umaabot sa P450,000 ang inirekomendang pyansa para sa 15 bilang ng graft cases ni Enrile.
Habang nasa P330,000 ang inirekomendang pyansa para sa 11 bilang ng graft ni Estrada.
Para sa 16 bilang ng graft ni Revilla ay P480,000 ang pinayagang maging pyansa.
Habang si Napoles ay P1.26 milyon ang pyansa para sa 42 bilang ng kinakaharap na graft charges.
Lumalabas na P30,000 kada kaso ang pyansa para sa apat pangunahing akusado sa pork barrel fund scam case.
Gayon man, makukulong pa rin ang mga senador kahit magbayad ng pyansa kapag naglabas ng hiwalay na warrant of arrest ang Sandiganbayan para sa plunder cases dahil iyon ay non-bailable offense.
Sa kabilang dako, sinabi ni De Lima sa pagharap niya sa Commission on Appointments sa Senado, hindi pa siya nagpapalabas ng watch list order sa tatlo kaya malaya pa rin magbiyahe sa labas ng bansa ang tatlong senador.
Wala rin aniyang hold departure order at wala pang arrest warrant mula sa Sandiganbayan.
Paliwanag ng kalihim, hindi niya mailagay ang tatlong senador sa watch list order bunsod ng TRO mula sa Korte Suprema.
Una nang nilinaw ng tatlong akusadong senador na wala silang intensyong tumakas at haharapin nila ang mga kaso.
(NIÑO ACLAN)