Friday , November 22 2024

Saan Ka Man Naroroon Aking Mahal (IKA-50 labas)

IBINAON NIYA MUNA ANG MALULUTONG PANG KWARTA NA ILALAAN NIYA SA PAGPAPAGAMOT PARA KAY CARMINA

Noon ko naisipang tawagan ang kasamang si Dennis. Pero hindi ko makontak ang numero niya. Maaaring naubusan ng kargang baterya o sadyang nagpatay ng cellphone. Pero kahit paano’y nabahala rin ako dahil maaaring nadamay sa nangyaring bulilyaso. Pwera na lang kung solong tumakas si Dennis sa lugar na kinamatayan ni Tutok.

Doon ako nagpaabot ng gabi. Doon ko rin iniwan ang motorsiklo ni Tutok. Namasahe na lang ako pag-uwi, kandong sa sinasakyang pampasaherong dyip ang bag na nagmukhang marusing sa pagpahid ng langis at dungis na kinuhit sa makina ng ginamit na sasakyan.

“Bahala na” ang naibulong ko sa sarili sa pagpapasyang umuwi.

Magmamada-ling-araw na nang makarating ako ng bahay.

Kinaumagahan ay pihong laman na ng mga balita sa radyo, diyaryo at telebisyon ang insidente na may kaugnayan sa kamatayan ni Tutok. Hindi agad ako umakyat ng bahay, kundi sa madilim na silong. Pinamamahayan ng mga lamok, ipis at daga. Nakasusulasok ang singaw ng nangabubulok na basura na naiwan ng mga pagbaha-baha.

Kabado na baka maiturong kasama ni Tutok, inilagay ko sa dalawang pinagdobleng supot na plastik ang bag ng pera. Malambot ang nagpuputik na lupa, sa pa-mamagitan ng bilog na lata ng pulbos na gatas ay nakagawa ako ng hukay. May lalim at luwag na kasyang-kasyang maisiksik ang bag. Ibinaon ko rito ang mga malulutong pang salaping papel. At muli kong pinatag ang ipinangtabon na lupa, lakip ang sumpa na anuman ang mangyari ay hin-ding-hindi ako aamin sa kinasangkutang krimen.

Nang mahiga na ako sa papag, hindi man lang maipikit ang aking mga mata. Ang pagkabalisa ko ay patindi nang patindi. Ikinamulagat ko ang galabog sa sahig ng pusang gala na tumalon galing sa pasimano ng dungawang bintana. Pati paglangitngit ng nabubulok na mga suleras ng bahay sa tuwing magbibiling-baligtad ako sa higaan ay ikinagugulantang ko.

Hindi pag-aaring buhay ang nais kong mapag-ingatan, kundi higit ang mga salapi na ayaw kong mauwi sa wala. Aangkinin ko ‘yun para ilaan sa pagpapagamot ni Carmina. Ibig kong makakuha ng serbisyo ng isang mahusay na manggagamot na makapagpapaga-ling sa sakit ng babaing pinakamamahal ko.

Mabigat man ang buong katawan, sa pagsikat ng araw ay lumabas din ako ng bahay. Kinakailangan kong mamasada ng traysikel upang makiramdam at makibalita sa kalye. Sa pilahan ng Toda ako unang nagpunta. At tama ang aking hinagap, ma-init na usap-usapan ang nangyari kay Tutok. (Itutuloy)

ni Rey Atalia

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

Krystall herbal products

Produktong Krystall katuwang ng pamilya ng delivery rider sa pag-aalaga ng kalusugan

Back to BasicNATURE’S HEALINGni Fely Guy Ong Dear Sis Fely Guy Ong, Ako po si …

DOST NSTW Cagayan de Oro City

DOST brings nat’l science, technology, and innovation week in Cagayan de Oro City

The Department of Science and Technology is set to hold the 2024 National Science, Technology, …

DOST-PCCI innovation hub to boost enterprises’ growth

In a landmark collaboration aimed at bolstering the nation’s innovation and economic growth, the Department …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *