HINDI tamang puntiryahin ni Sen. Bong Revilla Jr. si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III kaugnay sa pagkakadawit sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Reaksyon ito ng bunsong kapatid ni Pangulong Aquino na si Kris Aquino sa naging privilege speech ng senador kamakalawa na pinasaringan ang pangulo sa pagsasabing tila pamumulitika ang sentro ng kanyang administrasyon dahil ipinakukulong ang mga kalaban sa politika samantalang hindi napagtuunan ng pansin ang kapakanan ng taongbayan.
Sa “Aquino & Abunda Tonight,” iginiit ng TV host/actress, nauunawaan niya ang pinagdadaanan ni Revilla ngunit malinis ang konsensya ng kanyang Kuya Noy at ginagawa lamang ang trabaho na habulin ang sino mang may kasalanan sa taongbayan.
Katunayan aniya ay 72 percent o majority pa rin ng publiko ang naniniwala sa liderato ni Pangulong Aquino kaya hindi dapat isisi sa administrasyon ang pagkakadawit sa nasabing multi billion pork scam.
“I know what their (Revilla) family is going through but I also believe that my brother’s conscience is clean that’s why he has the courage to run after (those who did something wrong),” bahagi ng bwelta ng presidential sister.
Bukod kay Revilla, kasama rin sina Sens. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile na nahaharap sa kasong plunder at malversation of public funds dahil sa maling paggamit sa kanilang PDAF.