NASA upper half man sila ng standings ay hindi nakaseseguro ang Talk N Text at Rain Or Shine kontra magkahiwalay na kalaban sa PLDT Home telpad PBA Governors Cup mamayang gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Makakatunggali ng Tropang Texters ang Barako Bull sa ganap na 8 pm matapos ang 5:45 pm salpukan ng Elasto Painters at Meralco.
Ang Talk N Text ay nakarating na sa quarterfinals sa kartang 5-1 at may four-game winning streak. Ang Rain or Shine ay nanalo sa huling tatlong laro at may 4-3 karta, Kapwa may 2-5 records naman ang Bolts at Energy.
Pinabalik ng Talk N Text si Paul Harris matapos subukan sina Othyus Jeffers at Rodney Carney. Makakatapat niya si Allen Durham na humalili naman kay Eric Wise.
Sa kanyang pagpupugay noong Linggo ay gumawa siya ng 32 puntos, 24 rebounds at sampung assists upang tulungan ang Energy na manalo kontra Globalport, 122-98.
Katulong ni Harris sina Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier at Kelly Williams. Makakatapat nila sina Willie Miller, Mick Pennisi, Dennis Miranda, Keith Jensen at Jeric Fortuna.
Ang Rain or Shine ay pinangungunahan ni Arizona Reid na gumawa ng career-high 48 puntos kontra Alaska Milk na tinambakan nila, 123-72 noong Miyerkoles.
Katunggali ni Reid si Mario West na humalili naman kay Terrence Williams.
Mataas ang morale ng Meralco Bolts dahil tinalo nila ang powerhouse San Miguel Beer, 90-74 sa kanilang out-of-town game sa Xavier Gym sa Cagayan de Oro City noong Sabado.
Si Reid ay sinusuportahan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Beau Belga at Ryan Arana. Si West ay tinutulungan nina Cliff Hodge, Reynell Hugnatan, Mike Cortez, Jared Dillinger at Gary David.
Bukas ay lilipat sa Philsports Arena sa Pasig City ang aksyon kung saan maghaharap ang Globalport at Air 21 sa ganap na 5:45 at magtutunggali ang Barangay Ginebra at San Miguel Beer sa ganap na 8 pm.
(SABRINA PASCUA)