GUMACA, Quezon – Si Supt. Hansel Marantan at 12 pang mga pulis makaraan magpasok ng “not guilty plea” sa Gumaca, Quezon Regional Trial Court (RTC) sa ginanap na arraignment kaugnay sa Atimonan massacre na ikinamatay ng 13 katao kasama ang negos-yanteng si Vic Siman. (RAFFY SARNATE)
NAGPASOK ng not guilty plea ang 13 pulis na sangkot sa Atimonan massacre na nangyari noong Enero 6, 2013.
Sa arraignment ng Gumaca, Quezon Regional Trial Court (RTC), iginiit ng mga akusado na wala silang kasalanan dahil lehitimong operasyon ang nangyari kaya napatay nila ang 13 katao, kasama na ang negos-yanteng si Vic Siman.
Kabilang sa mga binasahan ng sakdal sina Supt. Hansel Marantan, S/Insp. John Paolo Carracedo, SPO1 Arturo Sarmiento, Supt. Ramon Balauag, S/Insp. Timoteo Orig, Chief Insp. Grant Gollod, SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Carlo Cataquiz, PO3 Eduardo Oronan, PO2 Nelson Indal, PO2 Al Bhazar Jailani, PO1 Wryan Sardea at PO1 Rodel Ta-lento.
Magugunitang ipinangalandakan ng kampo ni Marantan na tagumpay ang kanilang pagkakaharang at pagkakapatay sa grupo ni Siman na sinasabing sangkot sa ilang illegal na gawain.
Ngunit sa reinvestigation ng National Bureau of Investigation (NBI), natuklasan na walang shootout na nangyari at tanging ang panig lamang ni Marantan ang nagpaputok sa mga biktima.
Nitong nakaraang Marso ay sinibak na ang naturang mga pulis makaraan ang hiwalay na imbestigasyong ginawa ng PNP.
(RAFFY SARNATE)