INAMIN ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na naka-impake na siya at handa na siya ano mang oras sa sino mang aaresto sa kanya makaraan isampa ng Ombudsman ang kaso laban sa kanya at kina Senador Jinggoy Estrada at Ramon Revilla, Jr.
Ayon kay Enrile, bukod sa mga kagamitan na kanyang dadalhin ay inihanda na rin niya ang mga librong kanyang babasahin sa loob ng kulungan.
Bilang abogado, sinabi ni Enrile na alam na niya ang kasunod ng pagsasampa ng kaso, at ito ay ang pagpapalabas ng warrant of arrest.
Magugunitang si Enrile ay minsan na ring naaresto at ilang beses na ring nakulong sa iba’t ibang akusasyon laban sa kanya.
Nanindigan din si Enrile na hindi niya tatakbuhan ang kaso at haharapin niya ito.
(NIÑO ACLAN)
PALASYO IWAS SA HIRIT NA HOUSE ARREST KAY JPE
DUMISTANSYA ang Malacañang sa hirit na paggawad ng hospital o house arrest kay Sen. Juan Ponce Enrile, kasama sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder kaugnay ng P10-billion pork barrel scam.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, hihintayin muna nila ang desisyon ng Sandiganbayan sakaling humirit ng house arrest si Enrile.
Ayon kay Coloma, wala na sa kamay ng Ehekutibo ang kapalaran ni Enrile at bahala na ang anti-graft court kung saan ipakukulong ang senador.
Magugunitang sinabi ng kapwa akusadong si Sen. Jinggoy Estrada na bagama’t handa siyang magpakulong, dapat kaawaan at huwag nang ikulong pa ang dating Senate president dahil matanda na aniya at mahina na sa edad na 90-anyos.