BIYERNES KASAMA KO SINA TUTOK AT DENNIS SA OPERATION PARA AGAWIN ANG PAYROLL MONEY NG KOMPANYA
“Sa gabi ng Huwebes, maagang magpahinga para kondisyon kinabukasan ang katawan at utak. Pag-buo ang diskarte natin, mahirap tayong masilat,” sabi pa ni Tutok.
Makaraan ang makailan pang pagtango, sinabihan din ako ni Tutok na kargahan ng maraming load ang aking cellphone.
Malinaw sa akin ang mga binuong pla-no ni Tutok: Ang partner niyang si Dennis ang magmamanman sa pagpasok at paglabas sa bangko ng sekretaryang magdadala ng payroll money. Sila ni Tutok ang magiging magkasama. Iaangkas ko naman siya sa motorsiklo. Aabangan namin ang pagdating ng sekretarya na may dala sa bag ng pera na lulan ng pribadong sasakyan at ibababa ng driver-alalay sa mismong tapat ng gate ng kompanyang pinaglilingkuran.
Hindi kalayuan ang bangko at kompanyang pagdadalhan ng salaping pampasweldo sa mga empleyado. Pero sabi ni Tutok ay napakakrusyal ang tamang tiyempo ng pagkilos, partikular ang kaeksaktuhan ng pag-agaw nito sa bag ng pera sa pag-ibis ng sekretarya sa kotse.
Inaasahan ni Tutok na kung walang magiging bulilyaso, sa isang kisap-mata ay maaagaw niya ang bag ng pera sa sekretarya ng kompanya, bago pa makasaklolo ang kasamang driver-alalay.
Dumating ang araw ng Biyernes.
Sa unang pagtawag sa akin ni Dennis ay ipinaalam na naroon na ito sa kinatatalagahang lugar na malapit sa bangko. Sa pangalawa, sinabi nitong pumasok na ng bangko ang seksing sekretarya. Sa pangatlong tawag ni Dennis ay ang pagbibigay-impormasyon na palabas na ng bangko at pasakay na si “Seksi” sa kulay puting Innova na binanggit din ang plaka.
“Papunta na sa kinaroroonan n’yo ang subject,” ang huling mensaheng natanggap ko kay Dennis..
Pinaandar ko ang minamanehong motorsiklo. Marahang-marahang pinausad.
“Umalisto ka,” utos sa akin ni Tutok. “Mga singko minutos, ‘wag lang matrapik, ay parating na ang kotse ng subject.”
Ang pinag-oopisinahan ng sekretarya ay nasa linyang konstruksiyon. Marami itong pinasusweldong empleyado kada a-kinse at katapusan ng buwan, kabilang ang mga laborer na kontraktuwal. Isang gusali ito na may dalawang palapag na inookupahan ng kompanya nito. Nagsisilbing daanang papasok at palabas ng gusali ang sementadong harapan nito na tumutumbok sa kalsada. Dito iibis ng sasakyan ang sekretarya at ang driver-alalay.
Huminto sa tabing-kalsada ang motorsiklo namin ni Tutok, mga ilang metro lamang ang distansiya sa gusaling ‘yun. Naglagay kami ng pa-trianggulong gamit-babala sa kanilang nalilikuran. Nagkunwaring nasiraan kami ng sasakyan. (Sundan)
ni Rey Atalia