NARATING NI JOAN ANG KINAROROONAN NINA ZAZA AT HANDA SIYANG ILIGTAS SI ROBY
Makakain ng pananghalian ay agad nagbiyahe si Joan upang pumaroon sa hotel na tinutuluyan ng kanyang mga anak na sina Zabrina at Roby na tinangay ng mga engkanto. Inabot siya ng dilim sa kalye sa pagmamaneho ng pinaglumaang kotse ng kanilang pamilya.
Lingid sa kaalaman ni Joan, dahil sa panyo ni Ingkong Emong na dala-dala niya sa pagbibiyahe ay nabulabog ang mga kampon ng diyablo. Pumagaspas ang itimang pakpak ng mga manananggal. Nagtakbuhang palayo ang mga tikbalang. At ang mga tiyanak at iba pang lamang-lupa sa mga gilid-gilid ng kalye ay nag-kagulo.
Mag-iika-siyam na ng gabi nang makara-ting si Joan sa hotel sa sentro ng kabayanan.
“Kailangan nating matunton kung saanman naroroon si Roby,” sabi ni Joan kay Zaza.
“M-may ilang lugar po akong alam na pinamumugaran ng mga engkanto. Magbakasakali po tayo roon,” ang mabilis na tugon ng nobya ni Roby. “
“I-ipapain mo ang sarili mo?” nasabi ni Joan na nakatitig sa mga mata ni Zaza.
“Nakalabas ako nang buhay sa daigdig ng mga engkanto kaya nasisiguro kong matindi ngayon ang galit nila sa akin,” ang buong tatag na sagot ni Zaza.
“Ha? Paano mong nagawa ‘yun?”
“Nang sunggaban po si Roby ng maligno para ipagsama sa labas ng balwarte ng mga engkanto ay natangay akong palabas nang kumapit ako sa kanyang braso.”
Napatango-tango si Joan. At nasabi niya sa nobya ng kanyang anak: “Sige, iha… ihanda mo ang iyong sarili. Lalakad tayo ngayon din.”
“P-Pero, Mommy…” sabi ni Zabrina na napahawak sa braso ng ina.
“‘Wag kang mag-alala, anak…Alam kong makakasama namin ni Zaza ang Diyos. … Ipagdasal mo na lang kami… Pati Kuya Roby mo,” gagap ni Joan sa palad ng anak.
“Sasama ako sa inyo, Mommy…”
Palabas na sana ng hotel sina Joan, Zaza at Zabrina nang mapansin nila ang roomboy sa makalabas ng silid nina Roby at Jonas. May takip na panyo ito sa ilong at tinatangkang buksan ang saradong pintuan niyon sa pamamagitan ng isang kumpol ng mga susi. (Itutuloy)
ni Rey Atalia