TINIYAK ng Palasyo na tatalakayin sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa Hulyo 21 ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga sangkot sa P10-B pork barrel scam.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., bahagi ng prayoridad ng administrasyong Aquino ang good governance at anti-corruption, alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP), kaya makakasama sa SONA ang pagpapanagot sa mga responsable sa pork barrel scam.
Gayonman, pinabulaanan ni Coloma ang akusasyon ni Sen. Jinggoy Estrada na itinaon sa darating na SONA ang pagsasampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan ng kasong plunder laban sa kanila nina Sens. Juan Ponce Enrile at Bong Revilla.
Ani Coloma, hindi kontrolado ng Palasyo kung kailan matatapos ang imbestigasyon sa isyu.
Sa katunayan aniya, noon pang Agosto 2013 inihain sa Ombudsman ng Department of Justice (DoJ) ang mga kaso at ngayon lamang Hunyo naisampa ito ng Ombudsman sa Sandiganbayan.
Samantala, naniniwala si Senator Jinggoy Estrada na kabilang sila sa laman ng susunod na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa susunod na buwan.
Aniya, bukod sa kanya ay kasama rin sina Senators Bong Revilla Jr. at Juan Ponce Enrile sa aniya’y “accomplishment” ng administrasyong Aquino.
Bukod sa kanilang tatlo, kombinsido rin si Estrada na laman muli ng SONA ang ginawang pagpapakulong sa dating presidente at kasalukuyang Pampanga Rep. Gloria-Macapagal Arroyo. . (ROSE NOVENARIO/NINO ACLAN)
SPECIAL DIVISION SA PORK TRIAL ISINULONG
IMINUNGKAHI ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano sa Sandiganbayan ang pagbuo ng special division upang mapabilis ang paglilitis sa kasong plunder na kinahaharap ng tatlong senador na sina Sen. Juan Ponce Enrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., makaraan isampa ng Office of the Ombudsman.
Ayon Kay Cayetano, dapat na agarang gawin ito ng Sandiganbayan upang matutukan ang kaso ng tatlong senador sa layunin na matapos ang paglilitis sa kanila bago matapos ang termino ni Pangulong Benigno “ Noynoy” Aquino III sa 2016.
Hindi naiwasan ni Cayetano na mabahala sakaling kaalayado ng tatlong mga akusado ang maupong pangulo sa 2016 dahil aniya ay maaaring mawawalan ng saysay ang kaso sa posibilidad na maimpluwensyahan ng susunod na pangulo ng bansa. (NINO ACLAN)
Hirit ni Jinggoy
JPE ‘DI DAPAT IKULONG
UMAPELA si Senador Jinggoy Estrada na huwag nang ikulong pa si Senador Juan Ponce Enrile, isa sa mga akusado.
Ayon kay Estrada, sa edad ni Enrile na 90-anyos, hindi na siya dapat pang ikulong sa piitan.
Iginiit ni Estrada, bagama’t kapwa nila akusado si Enrile ay dapat na silang dalawa na lamang ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang ikulong at huwag na si Manong Johnny.