PATAY sa ambush ang hepe ng pulisya sa Ubay, Bohol kamakalawa ng gabi, habang binawian din ng buhay ang dating mayor ng Batangas makaraan tambangan kahapon ng umaga.
Pinalawak pa ng mga tauhan ng Talibon Police Station sa Bohol ang imbestigasyon kaugnay sa pag-ambush sa hepe ng pulisya.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital si Chief Insp. George Salcedo Caña, makaraan tambangan ng armadong mga lalaki.
Ayon kay Talibon Police Station chief, Senior Supt. Edward Sanchez, galing sa kanilang bahay ang biktima at papunta sana sa police station.
Nasa kalagitnaan ng biyahe si Caña sa Brgy. Balintawak nang tambangan ng hindi nakilalang suspek sakay ng isang itim na sasakyang walang plate number.
Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang nangyaring krimen.
Isa sa tinitingnang anggulo ay may kaugnayan sa trabaho dahil halos mga drug lord ang kanyang nahuhuli.
Nabatid din na marami nang banta sa buhay na natatanggap si Caña.
Samantala, agad binawian ng buhay ang 57-anyos dating mayor ng Mataas Na Kahoy sa Batangas, makaraan pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek sa kanilang bayan kahapon ng umaga.
Kinilala ni Mataas Na Kahoy police chief, Senior Inspector Alfredo Lorin Jr., ang biktimang si Arnulfo Rivera, residente Brgy. Calingatan, at dating mayor ng bayan ng Mataas na Kahoy mula taon 1998 hanggang 2001.
Ayon sa ulat, kadadalo lamang ni Rivera sa Sunday mass sa kanilang chapel sa Brgy. Calingatan at habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay nang pagbabarilin dakong 10 a.m.
Ayon sa mga tetigo, tumakas ang suspek lulan ng naghihintay na motorsiklo patungo sa hindi nabatid na direksyon.
Isinugod ang biktima sa Mary Mediatrix Hospital sa Lipa City ngunit binawian ng buhay dakong 12:15 p.m.
Hindi pa mabatid ng pulisya ang motibo sa krimen.