KINONDENA ng Kilusan Kontra Katiwalian at Kabulukan (4K) ang pagiging inutil ng pulisya ng Antipolo City sa sunod-sunod na pagpatay na homeowners association (HOA) presidents o urban poor leaders at organizers sa Pagrai Hills sa Brgy. Mayamot sa lungsod.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, ang pag-amin ni Antipolo Police Precint 1 commander S/Insp. Perlito Tuayon, wala silang naaresto kahit isa sa mga suspek sa sunod-sunod na patayan sa lugar ay tanda ng pagiging inutil kaya dapat lamang masibak sa tungkulin.
“Dati rin akong pulis pero kailanman hindi katanggap-tanggap ang alibi na walang mahuli sa krimen dahil hindi kilala ang suspek,” ani Pineda. “Ang ibig bang sabihin ni Tuayon ay inutil ang lahat ng pulis ng Antipolo o pinoproteksiyonan nila ang mga suspek?”
Nakapuwesto na sina Antipolo Police chief Superintendent Arthur Masungsong at Tuayon nang magkasunod pinaslang sina Cuencoville HOA officials Jojo Bacurro at Remy Sucaldito. Nitong Marso 24, pinaslang din ng riding-in-tandem si Cuencoville HOA president Dionisio Asencio na nasundan nitong Hunyo 4 ng pagpaslang kay Pagrai HOA organizer Francisco Abad. Kamakalawa ng umaga, pinatay din si Pagrai HOA official Manuel Asugas.
“Dapat nang pakialaman ni PNP chief (Director General) Alan Purisima ang pagiging inutil ng mga pulis sa Antipolo,” dagdag ni Pineda. “Ang dapat kina Masungsong at Tuayon ay ipatapon sa Mindanao para malaman nila kung ano ang dapat gampanan ng mga pulis sa ating lipunan.”
Nagsimula ang serye ng pagpatay sa mga urban poor leaders sa Antipolo lalo sa Cogeo area noong 2006 sa paglikida kina Maharlika HOA president Allan Albor at pangulo ng Pagrai HOA na si Marica Mondejar. (HNT)