PINANGUNAHAN ni Interior Sec. Mar Roxas ang inspeksyon sa PNP custodial center na posibleng pagkulungan ng tatlong senador na akusado sa pork barrel case.
Ayon kay Roxas, layunin nitong matiyak na handa na ang PNP sa paghawak ng responsibilidad lalo at high profile personalities ang mga nasasangkot sa kaso.
Kabilang sa mga posibleng arestuhin sa susunod na mga araw ay sina Sens. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
90-araw suspensyon posible— Drilon
POSIBLENG masuspinde ng 90 araw ang mga senador na sangkot sa pork barrel case kapag naglabas na ng warrant of arrest ang Sandiganbayan.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, layunin nitong mabigyang-daan ang proseso ng batas.
Kabilang sa mga pangunahing akusado sa kaso ay sina Senate minority leader Juan PonceEnrile, Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr.
Habang muling hinimok ni Drilon ang Sandiganbayan at mga posibleng magsasagawa ng pag-aresto sa mga kasamahan niyang mambabatas na maging mahinahon at igalang ang kinabibilangang kapulungan ng naturang mga personalidad.
Naniniwala rin siyang tutuparin ng tatlo ang nauna nilang pangakong hindi nila tatakasan ang kasong iniaakusa ng prosekusyon.
Plunder proceedings ipinapipigil ni Bong
IPINASUSUSPINDE ng kampo ni Sen. Bong Revilla ang proceedings ng kasong plunder sa Sandiganbayan na inihain ng Office of the Ombudsman.
Nagsumite rin sila ng mosyon para magkaroon ng judiciary determination of probable cause bago umusad ang usapin.
Magugunitang hindi na dumalo ang senador sa vigil ng kanyang mga tagasuporta sa Cavite upang tapusin ang kanilang legal response sa criminal charges ng Ombudsman.
PALASYO HANDA VS PUWERSA NG 3 ‘PORK’ SENATORS
TINIYAK ng Palasyo nakahanda ang gobyerno sa ano mang pagkilos na ilulunsad ng mga tagasuporta ng tatlong senador na sinampahan ng Ombudsman ng kasong Plunder sa Sandiganbayan kaugnay sa P10-B pork barrel scam.
“Handa naman tayo kung sakaling umabot sa ganitong usapan,” ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Aniya, preparado rin ang pamahalaan na ipatupad ang mga kautusan ng korte, kasama ang pag-aresto kina Sen. Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla at iba pang akusado sa pork barrel scam.
“As in any high-profile case that involves high-profile personalities, gagawin ng pamahalaan ang iuutos ng korte at ano kung ang nararapat,” dagdag niya.
Suportado rin niya ang pahayag ni Senate President Franklin Drilon na huwag arestohin sa Senado ang tatlong senador habang may session.
“Siguro respeto na rin ito sa Senate as an institution sa naging apela ni Senate President Drilon … Lahat tayo kinikilala at inirerespeto ang institusyon ng ating Senado,” aniya pa.
Wala rin problema kung pagbigyan ang hirit ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa Supreme Court na lumikha ng dalawang special court para maglitis sa lahat ng kasong may kaugnayan sa P10-B pork barrel scam. Ani Valte, walang nararamdamang panganib ang Palasyo sa ‘Ouch Pinoy’ rally sa June 12 dahil karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang hinaing sa mapayapang paraan.
(ROSE NOVENARIO)