TUMANGGI ang Office of the Ombudsman na big-yan ng immunity ang damuhong si Janet Napoles sa pagkakasangkot niya sa kontrobersyal na P10-bilyon pork barrel scam.
Ayon sa statement ni Ombudsman Conchita Carpio Morales, lumalabas umanong si Napoles ang pinaka-guilty sa lahat ng akusado sa sinasa-bing scam. Ganyan din naman ang tingin ng karamihan kaya walang umaayon na gawing state witness o mabigyan ng immunity si Napoles.
Parang sampal na rin sa pagmumukha ni Napoles ang desisyon ng Ombudsman dahil binigyan naman ng immunity sa kaso ang mga pork scam whistleblower na sina Benhur Luy, Marina Sula, Merlina Suñas, Simonette Briones at Mary Arlene Baltazar.
Tinanggihan din ng Ombudsman ang mga pe-tisyon para sa immunity ng dating mga opisyal ng National Agribusiness Corporation (Nabcor) na sina Rhodora Mendoza at Victor Roman Cacal, at Technology Resource Center director Dennis Cunanan.
Wala raw matinding pangangailangan sa testimonya nila dahil may mga testimonya at dokumento nang puwedeng magsilbing ebidensya na magagamit sa prosekusyon.
Ano ang gagawin ng kampo ni Napoles, mga mare at pare ko, ngayong ibinasura na ng Ombudsman ang inaasam-asam nilang immunity sa kaso? Nauna nang naulat na nag-alok siya na isosoli ang P2 bilyon sa nakulimbat kapalit ng immunity. Sa kabila ng “tell-all” affidavit at pagsabit sa sandamakmak na mga mambabatas at opisyal sa scam ay kulong pa rin ang damuho.
Manmanan!
***
IBINASURA na rin ng Ombudsman ang motions for reconsideration na isinampa ni Napoles at nina Sens. Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla sa plunder na kinakaharap.
Para sa kaalaman ng lahat, noong Abril ay inaprubahan ng Ombudsman ang pagsasampa ng plunder kina Napoles, Enrile, Estrada, Revilla at sa iba pang nasasangkot sa maanomalya umanong transaksyon ng pagpapadaloy ng bilyon-bilyong pisong pork barrel sa ghost projects ng pekeng non-government organizations (NGOs) na si Napoles din ang bumuo.
Ayon sa Ombudsman, ang motion for reconsideration ng mga akusado ay pag-uulit lang ng mga isyu at argumento sa kanilang mga counter-affidavit na ibinigay noon sa Ombudsman.
Ang nakitang probable cause ay hindi umano ibinatay sa hinala kundi sa maraming dokumento kabilang na ang PDAF at mga report ng Commission on Audit (COA), mga sinumpaang salaysay, corporate records, testimonya ng mga testigo at ibang pagpapatunay.
Ayon kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang susunod na hakbang matapos tanggihan ng Ombudsman ang motions for reconsideration ng tatlong senador ay ang pagsasampa ng reklamo sa Sandiganbayan. Kapag nasa Sandiganbayan na ang reklamo ay ilalabas na raw ang arrest warrants laban sa tatlo sa kasong plunder na walang piyansa.
Ang bawa’t tao ay may karapatan daw na magpiyansa, mga mare at pare ko, pero kapag kinasuhan sa isang non-bailable offense ay nawawala ang karapatan na magpiyansa.
Ngayon lang mangyayari sa kasaysayan ng bansa na aarestuhin ang tatlong aktibong senador sa pandarambong. May magagawa pa ba sina Enrile, Estrada at Revilla para pigilan ito?
Abangan!
Ruther Batuigas