HINIKAYAT ni Senador Vicente “ Tito” Sotto III si Department of Justice ( DoJ) Secretary Leila de Lima na isalang sa drug test ang lahat ng jail guards ng Bureau of Correction sa New Bilibid Prison ( NBP) sa Muntinlupa City.
Ginawa ni Sen. Sotto ang pahayag makaraan mapag-alaman na tuloy pa rin ang aktibidades ng illegal na droga sa loob ng NBP at maging ang illegal na transaksyon ng drug lords na nakapiit ngunit nanatiling may komunikasyon pa rin sa labas.
Inilantad din ni Sotto na ipinahihiram ng mga gwardiya sa high profile prisoners ang kanilang cellphone, kaya’t hiniling niya kay de Lima na ipagbawal ang pagdadala ng cellphone ng jail guards sa loob ng bilangguan.
Aniya, kung ipinatutupad na ito ay dapat todo higpit ang implementasyon at patawan ng mabigat na parusa ang sino mang jail guard na lalabag dito.
Naniniwala ang senador na hindi gagawin ng jail guards na ipahiram sa ilang druglords ang kanilang cellphones kung hindi sila nakikinabang sa illegal na transaksyon sa ipinagbabawal na droga.
Samantala, sinabi ni De Lima, nakikipag-coordinate na siya sa Philippine Drug Enforcement Agency ( PDEA) at Philippine National Police ( PNP) upang imbestigahan ang posibleng pagkakasangkot ng ilang miyembro ng BuCor sa ipinagbabawal na droga.
(CYNTHIA MARTIN)